EBANGHELYO: MATEO 19: 13-15
May nagdala kay Jesus ng mga bata para ipatong niya ang kanyang kamay sa kanila at madasalan. Pinagalitan naman ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. Kaya sinabi ni Jesus: “Pabayaan ninyo sila. Huwag ninyong pigilang lumapit sa akin ang mga bata. Sa mga tulad nga nila ang kaharian ng Langit.” At pagkapatong ni Jesus ng kanyang kamay sa kanila, umalis na siya.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Sr. Gemmaria dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Sa narinig natin, ang mga bata ang batayan sa pagpasok sa Kaharian ng Diyos. Kung sino ang minamaliit, sila ang pinadadakila ni Jesus. Ang mga katangian ng isang bata ang batayan ni Jesus. Una kawalan ng kasalanan. Ikalawa, walang pagkukunwari. Kung ano ang nakita mo sa kanila, iyon na. Ikatlo, malinis mag-isip. Kaya malamang na ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit naikumpara si Jesus ang mga bata sa kaharian ng Diyos. Humakbang pa tayo ng kaunti sa pagninilay natin ngayon. Tinatawag tayong tingnan sa isang anggolo ang pag-anyaya ni Jesus sa mga kabataan. Sa Christus Vivitna apostolikong payo ni Pope Francis ini-highlight niya ang kahalagahan ng constant closenessng mga kabataan kay Jesus. Ito raw ang pinakahigit na pakikipagkaibigan natin kung ikukumpara sa iba. At payo rin niya na huwag ipagkakait ang “deep relationship” ng kabataan kay Jesus. Kapag taos ang ugnayan kay Jesus, nararamdaman siya hindi lang kapag nagdadasal kundi MBM, “moment by moment”. Tulad ng dalawang kaibigan ni Jesus na naglalakad papuntang Emmaus. Lumapit Siya at sinamahan silang maglakad. Mas nais ni Jesus na maging malapit siya sa mga kabataan. Lalo na sayo, na young one na nakikinig ngayon. At sa mga ina at ama ng mga kabataan, alam kong alam nyo ang ibig sabihin ng “pagsama sa paglalakbay-buhay ng bata.” Na nag-aalay ka ng oras, ng atensyon, ng mahigpit na yakap. Invitation ito ni Jesus. Kaya tanggapin natin. Hayaan nating maramdaman ng mga kabataan ang pagtanggap.
PANALANGIN:
Panginoon, marapatin Mo pong makatugon ako sa panawagan ng Ebanghelyo na maging kamanlalakbay ng mga kabataang ipinagkatiwala mo sa akin. Makapaglaan nawa ako ng panahon na makinig sa kanilang mga kuwento, maging kaibigan at kapatid na handang umunawa at gumabay sa kanilang pagkalito, at higit sa lahat maging instrumento upang mapalapit sila Sayo. Amen.
“