Daughters of Saint Paul

AGOSTO 20, 2019 MARTES SA IKA-20 LINGGO NG TAON San Bernardo abad at pantas ng Simbahan

 

EBANGHELYO: MATEO 19:23-30

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: Talagang sinasabi ko sa inyo: mahirap makapasok ang mayaman sa Kaharian ng Langit. Oo, maniwala kayo, mas madali pa para sa isang kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Langit.” Nang marinig ito ng mga alagad, namangha sila at sinabing “Kung gayon, sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Jesus at sumagot: “Imposible ito para sa tao; subalit sa Diyos, lahat ay posible.” Nagsalita si Pedro at sinabi:” Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo: ano naman ang para sa amin?” Sumagot si Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyong mga sumunod sa akin: sa Araw ng Pagbabago, pag-upo ng Anak ng Tao sa kanyang trono nang buong kaluwalhatian, uupo rin kayo sa labindalawang tribu ng Israel. At ang mag-iwan ng mga tahanan, mga kapatid, ama at ina, mga anak o mga bukid alang-alang sa pangalan ko, tatanggap siya ng sandaang beses at makakamit ang buhay na walang hanggan. May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Sa Ebanghelyo ngayon, narinig nating sinabi ni Jesus na mahirap sa isang mayaman ang makapasok sa kaharian ng langit. Ito po ba’y isang pananakot sa mga mayaman? Marahil ang nais ipaunawa sa atin ni Jesus, huwag nating gawing hadlang ang kayamanan upang tumulong sa ating kapwa. Sa halip, gawin nating daan ang yamang kaloob sa atin, upang tumulong sa mga nangangailangan. Ipinapaunawa din sa atin ng Ebanghelyo, na sinumang sumunod at tumulad kay Jesus, tumutupad ng Kanyang kalooban. Totoo na ang pagsunod kay Jesus, may kaakibat na sakripisyo. Pero tulad ng pangako ng Diyos, ang sumusunod sa Kanya’y tatanggap ng makasandaan at magkakamit ng buhay na walang hanggan. Ito ang hamon lalo na sa mga kabataan, na tuklasin ang kagandahan ng pag-aalay ng buhay para sa Diyos at kapwa. Harinawang, maantig ang puso ng mga kabataan natin at bigyang pansin ang bokasyon sa pagiging pari o buhay relihiyoso at relihiyosa. Marami nawang magulang ang umunawa sa mga kabataang nais maglingkod sa Diyos.