Daughters of Saint Paul

AGOSTO 22, 2019 HUWEBES SA IKA-20 LINGGO NG TAON Paggunita ng Pagkareyna ng Mahal na Birheng Maria

 

EBANGHELYO: LUCAS 1:26-38

Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng Birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng Anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailaman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.” Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ng aming madre na si Sr. Edith Ledda ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Katuparan ng pangako ng Diyos mula sa kasunuran ni Maria ang tema ng ating Ebanghelyo ngayon. Narinig po natin kung paanong binati ng anghel si Maria upang maging ina ng anak ng Diyos. Ang matalinong pagtatanong ng Mahal na Ina kung paanong mangyayari ang bagay na iyon gayong wala siyang nakikilalang lalaki, hindi isang pagdududa kundi isang kabukasan sa magandang plano ng Diyos. At sinabi nga po ng anghel na siya’y maglilihi ng isang lalaki sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang batang lalaki na ipaglilihi, magiging banal at tatawaging Anak ng Diyos.  

PANALANGIN:

Panginoon, itulot Nyo pong matularan ko si Maria sa kanyang kababaang loob at lubos na pagtalima Sa’yong plano.  Dagdagan Mo po ang aking pananampalataya sa tuwing napupuspos ng takot ang aking puso na isuko ang aking kalooban Sa’yong kalooban.  Amen.