EBANGHELYO: MATEO 22:34-40
Narinig ng mga Pariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Sadduseo, at sumang-ayon sila sa kanya. Kaya sinubukan siya ng isa sa kanila na isang guro ng Batas sa tanong na ito: “Guro, ano ang pinakamahalagang utos ng Batas?” Sumagot si Jesus: “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong pag-iisip. Ito ang una at pinakamahalagang utos. Ngunit may isa pang ikalawa na tulad nito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Sa dalawang utos na ito nabubuod ang buong Batas at Mga Propeta.”
PAGNINILAY:
Mga kapatid, malinaw ang mensahe ng Ebanghelyo ngayon – hindi maaaring paghiwalayin ang pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa. Dahil ang ating kapwa ang buhay na larawan ng Diyos sa ating piling. Totoong, hindi natin nakikita ang pisikal na anyo ng Diyos! Pero nakikita at nararamdaman natin ang Kanyang buhay na presensya sa pamamagitan ng mabubuting tao na ating nakakasalamuha – Lalo na ang mga taong mapagmahal, mapagpatawad, matulungin,at tunay na may malasakit sa kapakanan ng kanyang kapwa. Ngayon, tanungin natin ang ating sarili, ganito ba tayo sa ating kapwa? Kapag nakita ba nila tayo’t nakasama, masasabi nilang tunay ngang may Diyos! Damang-dama ko ang presensya ng Diyos dahil sa kabutihan ng taong ito. Ito ang pang-araw-araw na panawagan sa atin bilang mga binyagang Katolikong Kristiyano. Ang maging alter Christuso isa pang Kristo na nagmamahal, nagpapatawad at nag-aalay ng sarili para sa higit na ikabubuti ng iba. Tayo ang mga kamay at paa ng Panginoong Jesus na magpapatuloy sa magaganda Niyang simulain. Makatutugon tayo sa panawagang ito, kung iuugnay natin ang sarili sa Panginoong Jesus mismo na Siyang puno, at tayo’y pawang mga sanga lamang. Kung mamumuhay tayong nakaugnay sa Kanya – imposibleng mamuhay tayong taliwas sa Kanyang kalooban, imposibleng mamumuhay tayo sa kasalanan. Mga kapatid, hindi masasabing tunay nga nating minamahal ang Diyos kung wala tayong pakialam sa iba – kung makasarili tayo at namumuhay lang sa sariling mundo, kung nakikisali tayo sa pagsiwalat ng tsismis, kung nandaraya tayo sa negosyo, kung tayo ang dahilan ng pagkasira ng pamilya dahil sa maling relasyon, kung nakikisangkot tayo sa mga gawaing sumisira sa kalikasan, at marami pang iba. Hilingin natin sa Panginoong Jesus na pagkalooban tayo ng pusong mapagmahal nang makatugon tayo sa panawagang mahalin Siya nang higit sa lahat, at mahalin ang kapwa gaya ng sarili. Amen.
“