EBANGHELYO: JUAN 1:45-51
Natagpuan ni Felipe si Natanael at sinabi nito sa kanya: “Ang tinukoy ni Moises na nakasulat sa Batas at Mga Propeta, siya ang natagpuan namin – si Jesus na anak ni Jose, na taga-Nazaret.” Sinabi sa kanya ni Natanael: “May mabuti bang galing sa Nazaret?” Sagot ni Felipe: “Halika’t tingnan mo.” Nakita ni Jesus na palapit sa kanya si Natanael at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan ang tunay na Israelitang walang pagkukunwari.” Sinabi sa kanya ni Natanael: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng puno ng igos, nakita na kita.” Sumagot si Natanael: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” Sumagot si Jesus: “Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.” At idinugtong ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong nakabukas ang Langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Lyn Lagasca ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Naranasan mo na bang maimbitahang sumama sa lakarang masyado ka nang pamilyar, at kilalang-kilala mo na ang mga taong madatdatnan? Na minsan, parang ayaw mo nang pumunta kasi wala nang excitement…pero dahil matalik na kaibigan mo ang nag-anyaya, ayaw mo siyang biguin. Sa kabilang banda, maganda pa ring makasama sa lakarang iyon, para maranasan pa rin ang mga pangyayaring sadyang nakahanda sayo sa araw na yon. Parang ganito ang eksena nina Felipe at Natanael o Bartolome sa ating Ebanghelyo ngayon. Pinagbigyan ni Natanael si Felipe…pero, sya ang nagulat sa pagtatagpo nila ni Jesus. Ang pagtatagpong ito pala ang magbibigay daan upang malapitan at lalo nyang makilala nang personal, ang naririnig na nya sa mga nakaraang araw…ang tungkol sa taga Nazaret na nagngangalang Jesus. Hindi nya sukat akalain na ang mabiyayang araw na iyon pala ang magbubukas para sa kanya ng pinakamahalagang pakikipagkaibigan sa tanang buhay nya…ang tanggapin ang alok ni Jesus na pakikipagkilala nang lubusan sa Kanya upang matularan at masundan nya ito sa mga susunod sa araw…nang may matibay na pagtitiwala at pagsasagawa ng Kanyang kalooban. Manalangin tayo. Panginoon, hangad ko pong makilala kayo ng lubusan sa aking tanang buhay. Katulad ni San Bartolome, maging laging bukas nawa ako Sa’yong pagpapakilala, at handang sundin ang Iyong kalooban, Amen.
“