EBANGHELYO: MATEO 23:23-26
Sinabi ni Jesus: Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Hindi n’yo nalilimutan ang mint, anis at kumino sa pagbabayad ninyo ng ikapu ngunit hindi ninyo tinutupad ang pinakamahalaga sa Batas: ang katarungan, awa at pananampalataya. Ito ang nararapat isagawa na hindi kinakaligtaan ang iba. Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang lamok pero nilulunok ang kamelyo. Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng plato at kopa ngunit pinupuno naman ninyo ang loob ng pagnanakaw at karahasan at binabasbasan ninyo ang mga ito. Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang loob, at lilinis din ang labas.
PAGNINILAY:
Minsan, habang papunta ako sa aking apostolate area sa Gateway-St. Paul Bookstore, dumaan ako sa Araneta Coliseum at nakita ko ang mahabang pila nga mga kabataan papasok sa Coliseum. Akala ko may laro ang UAAP, pero nang nagtanong ako sa isang bata, sabi niya, “Mag-aaudition daw sila para maging artista.”Maraming kabataan ang nagbabakasakaling matupad ang kanilang pangarap na maging-artista. PAG-AARTISTA, ito ngayon ang isa sa mga pinakamabilis na paraan para sumikat at kumita ng pera. Kung may talent ka, kung may “looks” ka, kung matapang at malakas ang iyong loob, kung may star qualities ka, pwedeng-pwede ka mag-artista. Sa ating ebanghelyo ngayon “ibang klaseng artista” ang natunghayan natin. Sila ang mga Pariseo at Eskriba. Artista sila kung tawagin dahil hindi sila nagpapakatotoo. Nagpapanggap lamang sila. Kaya tahasang tinawag sila ni Hesus na mga ipokrito dahil hindi totoong pagkatao nila ang kanilang ipinapakita. Masyado nilang binibigyan ng halaga ang panlabas na bagay kumpara sa panloob. Mas importante para sa kanila ang magpakitang-tao lamang sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas halaga sa mga bagay na nakikita lamang ng mata, pero sila’y nagkukunwari at umaarte lamang. Naglilinis-linisan, nagdudunong-dunungan lamang sila pero ang katotohanan sobrang dumi ng kanilang kalooban. Kaya galit ang ating Panginoon sa kanila dahil sila’y ipoktrito. Nagiging “artista” lamang, at hindi ipinapakita ang kanilang tunay na pagkatao, ang kanilang tunay na kulay. Kapanalig,Totoong tao ka ba o artista lamang? Sa harap ng Diyos at ating kapwa, maging totoo nawa tayo at huwag magpaka-artista lang. Amen. (Rev. Fr. Reymel Ramos, SSP)