EBANGHELYO: MATEO 23:27-32
At sinabi ni Jesus: Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Para kayong mga pinaputing libingan na maganda sa labas subalit puno ng buto ng mga patay at ng iba pang karumihan ang loob. Gayundin naman, mukha kayong mga taong banal subalit puno naman ng pagkukunwari at kasamaan ang kalooban. Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nagtatayo kayo ng mga monumento para sa Mga Propeta at pinapalamutian ang mga bantayog ng mga banal na tao. Sinasabi ninyo: ‘Kung tayo ang nabuhay sa panahon ng ating mga ninuno, hindi sana sumang-ayon na patayin ang mga Propeta.’ Kaya kayo ang umaamin na mga anak kayo ng mga pumatay sa Mga Propeta. At ngayon, tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno!”
PAGNINILAY:
Natunghayan natin sa Ebanghelyo ang patuloy nag pagtuligsa ng Panginoong Jesus sa mga baluktot na gawain ng mga Pariseo at mga Escriba. Ipinamukha nya sa kanila ang mga mali nilang halimbawa at mga pabigat na ipinapatong sa mga tao. Paano nga namang maisakatuparan ang mga gawaing nais ng Diyos kung mismong ang mga naturingang lider, maling-mali naman ang mga ipinapatupad. Magiging salungat ngang lagi sa mga kaloob sanang mabuti ng Diyos. Mga kapanalig, inaanyayahan tayo ngayong maging bukas sa mga pagbabagong dulot ng magandang ugnayan sa Diyos araw-araw… na pinalalalim ng laging pakikinig sa tinig na nagmumula lamang sa ating mapagmahal at mapagpatawad na Diyos. Maging handa nawa tayong lagi sa mga impluwensyang gustong isakatuparan ng Espiritu Santo sa pamamagitan natin. Sa ating pakikipagtulungan sa bawat isa na may dedikasyon at pagtulad sa Panginoong Jesus na nakiisa sa Ama at sa Espiritu Santo upang maisakatuparan ang kalooban ng Diyos Ama, makamtan nawa natin ang buhay na walang hanggan. (Sr. Lyn Lagasca, fsp)
PANALANGIN:
Salamat po, O Diyos, sa kabutihang loob na aming tinatanggap araw-araw… magsilbi nawa itong inspirasyon upang patuloy kaming gumawa ng kabutihan sa iba, may nakakakita man o wala, dahil nababatid naming nalalaman mo lahat. Amen.