EBANGHELYO: MARCOS 6:17-29
Si Herodes ang nagpahuli kay Juan, at ipinakadena ito sa kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Pinakasalan ni Herodes si Herodias at sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo puwedeng kasamahin ang asawa ng iyong kapatid.” Talaga ngang matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin. Iginagalang ni Herodes si Juan kaya pinanatili niya itong buhay. Nalilito siya matapos makinig kay Juan, gayunma’y gusto pa rin niyang marinig ito. At nagkaroon nga ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes nang maghanda siya. Pagkapasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman sa kanya si Herodes. Sinabi ng hari sa dalagita: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit na ang kalahati ng aking kaharian.” Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina: “Ano ang hihingin ko?” At sumagot naman ito: “Ang ulo ni Juan Bautista.” Agad niyang pinuntahan ang hari at sinabi: “Gusto kong ibigay mo sa akin agad ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.” Nalungkot ang hari dahil sa sinumpaan niyang pangako sa harap ng mga bisita ngunit ayaw niyang tumanggi. Kaya iniutos ng hari sa isa niyang guwardiya na dalhin si Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan, inilagay sa isang bandeha ang kanyang ulo, ibinigay sa dalagita, at ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina.
PAGNINILAY:
Paano ba natin masasabi na ang isang tao’y may isang salita?Sa ating ebanghelyo ngayon, may dalawang taong bumitaw ng salita: Si JUAN BAUTISTA at si HERODES. Alam na alam ni Juan Bautista na sa kanyang pagsasabi ng totoo, sa kanyang binitiwang salita tungkol sa maling pagsasama ni Herodes at Herodias, pwede siyang mamatay. Pero nanindigan siya sa kung ano ang tama, Binangga niya ng buong tapang ang pinakamakapangyarihang tao, si Haring Herodes at ang kanyang asawang si Herodias. Dahil sa kanyang katapangan sa pagsasabi ng totoo, pinugutan siya ng ulo. Sa kabilang banda, si Herodes naman nagbitiw ng pangako kay Salome at pinanindigan niya ang pangakong ito kahit alam niya na ito ay mali. Ayaw niyang masira ang kanyang pangalan, ayaw niyang malaman ng iba na wala siyang isang salita, kahit ang kapalit nito ay buhay ng isang marangal at mabuting tao at alagad ng Diyos na Si Juan Bautista. Sino ang may isang salita? Si Juan ang may tunay na salita. Ang buhay ni SAN JUAN BAUTISTA ang isang buhay na punong-puno ng KATAPANGAN. Samantalang ang buhay ni HERODES, simbolo ng KARUWAGAN. Kapwa may isang salita, pero sa iba’t ibang paraan ginamit. Nawa’y tularan natin ang halimbawa ni Juan Bautista, may isang salita at nanindigan sa kung ano ang tama. (Rev. Fr. Reymel Ramos, SSP)