EBANGHELYO: Mt. 25:14-30 (25:14-15,1920)
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ipagpalagay natin na may isang tao, na bago mangibambayan ay tinawag ang kanyang mga katulong at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian. Limang talentong pilak ang ibinigay niya sa una, dalawa naman sa isa pa, at isa sa pangatlo, batay sa kaya ng bawat isa. At saka umalis. Pagkaraan ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga katulong na ito at hiningan sila ng pagsusulit. Kaya lumapit ang nakatanggap ng limang talento dala ang tinubong lima pang bareta at sinabi, ‘Panginoon, ipinagkatiwala mo ang limang bareta sa akin, at tignan mo, tumubo pa ako ng limang talento.’ Sumagot ang amo: Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito, Halika at makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon…Sa bandang huli, dumating ang nakatanggap ng isang talento at nagsabi: ‘Panginoon… Alam kong mahigpit kang tao at natakot ako kaya itinago ng isang talento sa lupa. Heto ang sa iyo. Ngunit sinagot siya ng kanyang amo: ‘Masama at walang kwentang katulong… Kaya kunin ang talento sa kanya at ibigay ito sa may sampu pa. Sapagkat sa sinumang meron, bibigyan pa siya at magkakaroon ng sagana; ngunit ang wala, maging ang sa kanya ay aagawin sa kanya. Para sa walang silbing katulong, itapon siya sa dilim kung saan may iyakan at pangangalit ng ngipin.
PAGNINILAY:
Kung inyong mapapansin sa isang grupo, o sa isang barkada may iba’t-ibang katangian ang bawat miyembro. May miyembro na sobrang bilib sa sarili. Mayroon namang walang tiwala sa sarili. Mayroong miyembro na gusto niya palaging siya ang bida at mayroon namang mas pinipiling maging “behind the scene” lamang. Mayroong lider at mayroon namang kontento na lang maging isang tagasunod. Mayroong early bloomer at mayroon naman late bloomer. Mayroong responsable at mayroon namang sumasabay lang sa kung ano ang gusto ng karamihan. Ito rin ang ipinapahiwatig ng ebanghelyo ngayon… May dalawang alipin na nagtiwala sa sarili, sumubok, sumugal at nagtumpay at mayroon namang isang alipin na walang tiwala sa sarili, natakot at napag-iwanan. Ang dalawa naging matapang sa hamon, pero ang isa inunahan ng pangamba. Saan ba natin mas nakikita ang ating sarili? Sa una at pangalawang alipin ba o sa pangatlong alipin? Kapanalig,lagi nating tandaan, lahat tayo’y may kakayahan at may talento. Hindi ako naniniwala na may taong walang talento. Kilalanin lang natin ang ating sarili, ang ating lakas at kakayahan, pagkatiwalaan natin, at tapangan ang sarili at makikita natin na “kaya” pala natin, sa tulong ng Panginoon. Amen. (Rev. Fr. Reymel Ramos, SSP)