EBANGHELYO: LUCAS 14:1, 7-14
Isang araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minamanmanan naman nila siya. May talinghaga siyang sinabi nang mapuna niyang pinipili ng mga inimbita ang mga unang puwesto: “Kung anyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang lumagay sa unang puwesto. Baka may kinumbidang mas importante kaysa iyo, at darating ang kumumbida sa inyong dalawa para sabihing ‘Ibigay mo sa kanya ang puwestong ito.’ Kaya mapapahiya ka’t pupunta sa huling puwesto. Sa halip, kung anyayahan ka, sa huling puwesto ka pumunta sapagkat pag dating ng kumumbida sa iyo, sasabihin niya sa iyo: ‘Kaibigan, lumapit ka pa.’ Kaya mapararangalan ka sa harap ng lahat ng inanyayahan. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.”Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya: Kung maghahanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mga kaibigan mo o mga kapatid mo o mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang iyong kumbidahin, baka kumbidahin ka rin nila at susuklian ka. Kung maghahanda ka, mga dukha, mga bale-wala, mga pilay at mga bulag ang kumbidahin mo. At magiging mapalad ka dahil hindi ka nila masusuklian ngunit sa pagkabuhay ng mga mabuti ka susuklian.”
PAGNINILAY:
Malinaw ang mensahe sa atin ng Ebanghelyo ngayon: Kababaang-loob ang daan sa kaluwalhatian. “Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.” Mga kapanalig, ang Panginoong Jesus mismo ang huwaran natin sa kababaang-loob. Bagamat Diyos, tinalikuran Niya ang pagiging Diyos para maging taong katulad natin sa lahat ng bagay, maliban sa kasalanan. Kababaang-loob din ang nais na maibalik ni Pope Francis sa pamumuno ng Simbahan at sa lahat ng mananampalatayang Kristiyano. Kaya sinisikap niyang isabuhay ito sa kanyang pamumuno bilang Punong Pastol ng Iglesya Katolika. At bilang mga Kristiyano, ito din ang nagpapatuloy na panawagan sa atin – na sa ating pakikitungo sa Diyos at sa kapwa – manatili tayong mababang-loob. Huwag maging mayabang – anumang yaman, katungkulan, katanyagan o tagumpay ang tinamo natin. Dahil ang lahat, pawang biyayang nagmumula sa Diyos. Kung hindi pinahintulutan ng Diyos, hindi tayo magtatagumpay sa anumang gawain kahit gaano pa ang pagsisikap natin; kung hindi niloob ng Diyos, wala tayo sa kinalalagyan natin ngayon. Kaya walang dahilan para magmalaki tayo sa Diyos o sa ating kapwa. Sa halip, sikapin nating maging daluyan ng biyaya at pagpapala ng Diyos lalo’t higit sa nangangailangan.
PANALANGIN:
Panginoon, tulungan Mo po akong mamuhay nang may kababaang-loob. Matanto ko nawa lagi, na kung wala Kayo, wala ako; Na kung hindi Sa’yong biyaya at awa, wala akong mapapala. Mamuhay nawa ako sa galak at pasasalamat. Amen.