EBANGHELYO: LUCAS 4:38-44
Pag-alis ni Jesus sa sinagoga, nagpunta siya sa bahay ni Simon. Inaapoy ng lagnat ang biyenang babae ni Simon. Kayat pinakiusapan nila siya tungkol sa kanya. Pagkayuko ni Jesus sa kanya, inutusan niya ang lagnat at nilisan siya nito. Kaagad siyang tumindig para maglingkod sa kanila. Paglubog ng araw, dinala naman sa kanya ng lahat ng tao ang kasama nilang mga may sakit ng iba’t ibang karamdaman. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. Lumabas ang mga demonyo mula sa maraming tao at pasigaw na sinabi ng mga ito: “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit pinatatahimik niya sila at di pinahihintulutang magsalita dahil alam ng mga ito na siya ang Mesiyas. Nang mag-uumaga na, lumabas si Jesus at pumunta sa isang ilang na lugar. Ngunit pinaghahanap siya ng maraming tao, at nang matagpuan siya’y sinikap nilang hadlangan na makaalis pa siya sa kanila. Pero sinabi niya sa kanila: “Dapat ko ring ipahayag ang mabuting balita ng paghahari ng Diyos sa iba pang mga bayan; ito ang dahilan kung bakit ako isinugo.” At nagpatuloy siyang mangaral sa mga sinagoga ng Judea.
PAGNINILAY:
Narinig natin sa Ebanghelyo na pinagaling ni Jesus ang biyenan ni Simon nang pinakiusapan nila siya. Nang mawala na ang lagnat niya, “kaagad namang tumayo ang babae at naglingkod sa kanila.” Ang sipag naman ng biyenan ni Simon! Ganoon na lang siguro ang pasasalamat niya na napiling bisitahin ni Jesus ang kanilang tahanan at pinagaling pa siya. Excited siya at hindi inaasahang gagaling siya kaagad. Kaya naman sigurong agad-agad siyang tumayo upang maglingkod. Kapanalig, naranasan mo na ba ang pagkandili, pagpapatawad at pangangalaga ng Panginoon? Anong mga biyaya ang tinanggap mo nitong mga nagdaang araw? Ano naman ang iyong naging tugon? Mapapanindigan mo rin ba ang iyong pananampalataya? Kaya mo rin bang maglingkod? – Sr. Rose Agtarap, FSP
PANALANGIN:
Panginoong Jesus, buksan mo ang aming kamalayan sa iyong presensiya at pagkandili sa araw na ito, upang puno ng pasasalamat, kami rin ay makapanglingkod sa iyo at sa kapwa. Amen.