Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 5, 2019 – HUWEBES SA IKA-22 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 5:1-11

Dinagsa si Jesus ng napakaraming taong nakikinig sa Salita ng Diyos at nakatayo naman siya sa baybayin ng Lawa ng Genesaret. Nakita niya noon ang dalawang bangka sa baybay. Kabababa pa lamang ng mga mangingisda mula sa mga ito para hugasan ang mga lambat. Kaya sumakay siya sa isa rito na pag-aari ni Simon at hiniling dito na lumayo ng kaunti mula sa dalampasigan. Umupo siya at mula sa bangka’y sinimulang turuan ang maraming tao. Matapos siyang magsalita, sinabi niya kay Simon: “Pumalaot ka at ihulog n’yo ang inyong mga lambat para humuli.” Ngunit sumagot si Simon: “Guro, buong magdamag kaming nagpagod at wala kaming nakuha pero dahil sinabi mo, ihuhulog ko ang mga lambat.” At nang gawin nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda kaya halos magkandasira ang kanilang mga lambat. Kaya kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka para lumapit at tulungan sila. Dumating nga ang mga ito at pinuno nila ang dalawang bangka hanggang halos lumubog ang mga iyon. Nang makita ito ni si Simon Pedro, nagpatirapa siya sa harap ni Jesus at sinabi: “Lumayo ka sa akin, Panginoon, sapagkat taong makasalanan lamang ako.” Talaga ngang nasindak siya at ang lahat niyang kasama dahil sa huli ng mga isda na nakuha nila. Gayundin naman ang mga anak ni Zebedeo na sina Jaime at Juan na nga mga kasama ni Simon. Ngunit sinabi ni Jesus kay Simon: “Huwag kang matakot; mula ngayo’y mga tao ang huhulihin mo.” Kayat nang maidaong na nila ang mga bangka sa lupa, iniwan nila ang lahat at sumunod sa kanya.

PAGNINILAY:

Sa pagnanais makaiwas sa dagsa ng mga tao, umakyat si Hesus sa bangka ni Pedro. Mula sa bangka, nangaral si Hesus sa mga tao at pagkatapos, inutusan niya si Pedro na ihulog ang kanyang lambat upang makahuli ng isda. Sa sagot ni Pedro, mababanaagan natin na bihasa siya sa timpla ng dagat at nakapagtatakang isang karpentero ang nag-uutos sa kanya. Pero dahil sa tiwala niya sa kanyang Guro, inihulog niya ang kanyang lambat at nagulat siya sa dami ng nahuling isda. Napasambit siya sa kanyang pagkamangha) “Lumayo ka sa akin, Panginoon, sapagkat taong makasalanan lamang ako.”  Mga kapanalig, nakatataba ng puso kung ating mapagtatanto kung paanong “sumasakay” ang Diyos sa bangka ng ating mga buhay. Pero sa mga panahong tinuturuan na niya tayo kung paanong mas magiging mabunga ang ating paglalayag, malimit na magdahilan tayo batay sa ating mga karanasan at sa karanasan ng iba. Natatakot tayo sa kung ano mang lingid sa ating kaalaman. Pero sa oras na ipagkatiwala natin kay Hesus ang ating pamamalakaya sa buhay, matatanto at mararanasan natin ang mga kamangha-manghang mga hangarin niya para sa atin.  

-Cl. Bryan Josemaria Cabating,SSP

PANALANGIN:

Panginoon, matuto nawa akong ipagkatiwala Sayo ang aking buhay nang may lubos na pananampalataya.  Amen.