Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 6, 2019 – BIYERNES SA IKA-22 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 5:33-39

Sinabi ng mga Pariseo at mga guro ng Batas kay Jesus: “Madalas mag-ayuno at may mga panalangin ang mga alagad ni Juan, at gayon din naman ang mga alagad ng Pariseo; kumakain naman at umiinom ang mga iyo.” Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi n’yo mapag-aayuno ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo, di ba? Ngunit darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.” Sinabi pa ni Jesus sa kanila ang isang talinghaga: “Walang pumuputol ng panagpi mula sa bagong damit at itinatagpi sa lumang damit. Kung hindi’y napupunit na ang mga bago at hindi pa magiging bagay sa lumang damit ang tagping mula sa bago. At wala ring naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung hindi’y sisirain ng bagong alak ang mga lumang sisidlan kaya matatapon ang alak at masisira pati mga sisidlan. Sa halip ay sa mga bagong sisidlan dapat ilagay ang bagong alak. Hindi naman humihingi ng bagong alak ang umiinom ng luma, sinasabi nga niya: ‘Ang luma ang siyang mabuti.’”

PAGNINILAY:

Gustong malaman ng ilang Eskriba at Pariseo, kung bakit hindi nag-aayuno si Jesus at ang kanyang mga disipulo katulad nila, at ng mga tagasunod ni Juan Bautista. Disiplinado sila at sanay magpenitensiya samantalang madalas nilang makita si Jesus na kumakain kasama ng kanyang mga alagad sa mga handaan at salu-salo.  Ayaw ni Jesus ang pag-aayunong pakitang-tao lang. Siya mismo ay nag-aayuno rin (Hindi ba isang beses, apatnapung araw pa?), at pinuri niya ito tulad ng panalangin at paglilimos, kung gagawin nang patago at hindi para iparada sa harap ng iba. Sa pamamagitan ng dalawang talinghaga, sinabi ni Jesus na iba ang pananaw niya sa relihiyon, at matatangap lang nila ito kung handa silang makita ang mga bagay sa bagong paraan. Kung noon, ang pagsunod sa regulasyon at ritwal ng pag-aayuno ang binigyan ng diin; para kay Jesus, mas mahalaga ang kalooban at diwa ng isang tao.  Ngayon pong taon ng mga kabataan, hinihikayat tayo ni Pope Francis na maging flexible – na tanggapin ang spontaneity at sigasig ng mga kabataan. Ipinapakita nila sa atin ang bagong istilo o diskarte sa pagsasabuhay ng ating pananampalataya, pakikiisa sa Diyos at sa kapwa.  

– Sr. Rose Agtarap, FSP

PANALANGIN:

Panginoon, bigyan mo kami ng pusong mapagkumbaba upang baguhin ang aming pananaw at pagtanggap sa aral mo, na hindi panlabas na kaugalian at ritwal ang mahalaga kundi isang pusong bukas at mapagmahal. Amen.