EBANGHELYO: LUCAS 6:1-5
Isang Araw ng Pahinga, naglalakad si Jesus sa taniman ng trigo. Nangyari na hinimay ng kanyang mga alagad ang mga butil sa pagkiskis sa kanilang mga kamay, at kinain ang mga ito. Sinabi ng ilang Pariseo: “Bakit n’yo ginagawa ang ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga?” Ngunit nagsalita si Jesus at sinabi niya sa kanila: “Hindi n’yo ba nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa Bahay ng Diyos, kinuha ang tinapay na inihain para sa Diyos, kinain ito at binigyan pa ang kanyang mga kasamahan, gayong bawal itong kainin ninuman liban sa mga pari.” At sinabi pa niya sa kanila: “Panginoon ng Araw ng Pahinga ang Anak ng Tao.”
PAGNINILAY:
Tuwing mga “day-offs” natin mula sa ating mga trabaho, lalo na tuwing linggo, marami tayong mga plano na gustong gawin gaya ng out-of-town, shoppingo gala sa mga malls, lakaran o gimikan ng mga barkada, salu-salo kasama ang pamilya at marami pang iba. Pero tignan natin ang mga pumupunta sa ating mga simbahan at dumadalo ng Banal na Misa. Iilan lamang sa mga magkakaibigan o pamilya ang nagsisimba tuwing araw ng linggo. Nakakalungkot na unti-unti na natin inaalis ang Panginoon sa tuwing sumasapit ang araw ng pamamahinga. Sa mabuting balita, narinig natin ang tunay na kahulugan ng araw ng pamamahinga. Nais ipahatid sa atin na si Hesus ang tunay na dahilan kung bakit may araw ng pamamahinga. Siya ang ating lakas at sandigan sa tuwing tayo’y nanghihina o may problema sa buhay. Ilaan natin kay Hesus ang araw ng pamamahinga sa pamamagitan ng ating pagdalo sa Banal na Misa kasama ang ating pamilya, barkada, kabaranggay at marami pang iba. Magpasalamat tayo sa mga biyaya na ating natatanggap sa loob ng nakaraang mga araw at humingi tayo ng kapatawaran sa mga kamalian na ating nagawa. Sa huli, idulog natin sa Diyos ang ating mga kahilingan para sa mga darating na araw. Kapag tayo’y nagpapahinga sa piling ni Hesus, mararamdaman natin ang kasiyahan sa ating puso, lakas ng katawan at kapanatagan ng kalooban na hindi kayang ibigay ng mundo. Amen.
– Cl. John Christian Baxa, SSP