EBANGHELYO: LUCAS 6:6-11
Sa iba namang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. May isang lalaki na hindi maigalaw ang kanang kamay. Pinagmamasdan siya ng mga guro ng Batas at mga Pariseo, at baka pagalingin ito ni Jesus sa Araw ng Pahinga at nang maisakdal nila siya. Ngunit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa lalaking hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka’t tumayo sa gitna.” Tumindig nga ito at tumayo roon. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Matanong ko nga kayo: ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” Tiningnan niya silang lahat sa paligid at sinabi sa tao: “Iunat mo ang iyong kamay.” Ginawa niya ito at gumaling ang kanyang kamay. Galit na galit naman sila at magkakasamang nag-usap-usap kung ano ang magagawa nila kay Jesus.
PAGNINILAY:
Narinig natin sa mabuting balita ang tungkol sa pagpapagaling ni Hesus sa isang lalaking paralisado ang kamay sa araw ng pamamahinga. Galit na galit kay Hesus ang mga pantas ng batas at ang ilang mga Pariseo. Dahil nilabag Niya ang kanilang kautusan hinggil sa araw ng pamamahinga. Marami sa atin ang tulad ng ilang mga Pariseo sa Mabuting Balita. Magaling maghanap ng pagkakamali ng ibang tao upang lalo siyang mahusgahan; sa halip na magtulungan, mas pinapairal ang kompetisyon at inggit sa mabuting ginawa ng ibang tao dahil sa paghahangad na matanyag siya. Mga kapanalig, tinuturo sa atin ni Hesus na gumawa tayo ng mabuti sa mga taong nangangailangan ng tulong sa abot ng ating makakaya. Walang batas o anumang hamon ng panahon ang makakapipigil sa pagtulong sa taong higit na nangangailangan. Dahil ito’y bahagi ng tagubilin ng Panginoon para sa ating lahat, ang ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Kapag bukas ang ating mga kamay sa mga taong nangangailangan ng ating tulong, ating ipinadadama ang awa at habag ng Diyos sa kanila, tunay na kalugod-lugod sa Kanya. Alalahanin natin ang winika ng ating Panginoong Hesus na “kung anuman ang ginawa mo sa iba, gayundin naman ang ginawa mo sa Akin.” Amen. – Cl. John Christian Baxa, SSP