Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 11, 2019 – MIYERKULES SA IKA-23 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO:  LUCAS 6:20-26

Tumingala si Jesus sa kanyang mga alagad at sinabi: “Mapapalad kayong mga dukha sapagkat sa inyo ang Kaharian ng Diyos. Mapapalad kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat bubusugin kayo. Mapapalad kayong mga umiiyak ngayon, sapagkat tatawa kayo. Mapapalad kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at itinatakwil at iniinsulto, at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at lubos na magalak sa araw na iyon sapagkat malaki ang inyong gantimpalang nasa Diyos; gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa Mga Propeta. Ngunit sawimpalad kayong mayayaman sapagkat tinatamasa na ninyo ang inyong ginhawa! Sawimpalad kayong mga busog ngayon, sapagkat magugutom kayo. Sawimpalad kayong humahalakhak ngayon sapagkat magluluksa kayo’t iiyak! Sawimapad kayo kapag pinag-uusapan kayo nang mabuti ng lahat ng tao ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.”  

PAGNINILAY:

Hindi natin napagtatanto kung gaano kalaki ang pagpapalang natatanggap natin araw-araw mula sa Panginoon. Madalas, kapag sinabing “blessing”, pumapasok sa isipan natin ang magagarang sasakyan, malalaking bahay, mararangyang kasuotan, at malalaking halaga na mayroon sa isang bangko. Isa itong resulta ng pagkasira o pagka-iba ng pananaw natin sa mga pagpapala. Sa ebanghelyo ngayon, pinapaalalahanan tayo ni Hesus na pinagpala tayo sa iba’t-ibang paraan na hindi natin nakikita. May mga pagkakataon na dumarating sa atin ang realisasyon na pinagpala tayo pagkatapos nating dumaan sa hindi magandang karanasan – ininsulto, siniraan, minaliit, pinagtabuyan, nagutom, nauhaw, nagipit.  Mga kapanalig, pinapangako sa atin ngayon ni Hesus, na kung pinagdaanan man natin ang mga ito nang bukas-loob alang-alang sa pagmamahal natin sa Kanya, mayroong gantimpalang naghihintay sa atin sa langit.  Kaya inaanyayahan niya tayo ngayon, na maging “blessing” din sa iba. Tandaan natin na, hindi makatatanggap ng kahit anong biyaya ang kamay na sarado, kaya’t dapat buksan natin ang ating mga kamay at sarili sa pagbabahagi sa kapwa, nang tayo’y mas biyayaan pa ng Panginoon nang higit.  Amen. – Cl. Ramon Solomon Rivera, SSP