EBANGHELYO: LUCAS 15:1-10
Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Tinatanggap niyan ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” “Kung may sandaang tupa ang isa sa inyo at mawala ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang para hanapin ang nawawala hanggang matagpuan niya ito? At pag natagpuan ito’y masaya niya itong pinapasan sa balikat, at pagdating sa bahay ay tatawagin niya ang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa.’ Sinasabi ko sa inyo: magkakaroon din ng higit na kagalakan sa langit para sa isang makasalanang nagsisisi kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na di nangangailangan ng pagsisisi. Kung may sampung baryang pilak ang isang babae at nawala ang isa sa mga ito, hindi ba siya magsisindi ng ilaw, magwawalis sa bahay at hahanaping mabuti hanggang matagpuan ito? At pagkakita rito’y tatawagin ang mga kaibigang babae at mga kapitbahay: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko ang nawawala kong baryang pilak.’ Sinasabi ko sa inyo na ganito rin sa mga anghel ng Diyos, magkakaroon ng kagalakan para sa isang makasalanang nagsisisi.”
PAGNINILAY:
Kung minsa’y mayroon tayong nawawalang kagamitan na mahalaga sa atin. Walang tigil tayo sa paghahanap sa kahit saang sulok ng ating bahay. Sa paglipas ng mga sandali, minuto, oras, at minsa’y aabutin pa nga ng ilang araw, nawawalan na tayo ng pag-asa, sumusuko na tayo sa paghahanap sa bagay na iyon. Mga kapanalig, iba maghanap ang Panginoon sa tuwing tayo’y nawawala o napapalayo sa Kanya. Hindi kailanman siya nawawalan ng pag-asa sa atin, at hinding-hindi Niya tayo susukuan. Tunay na walang-hanggan ang habag at pag-big ng Diyos sa atin. Gagawin Niya ang lahat ng paraan upang manumbalik tayo sa Kanya. Ganun din ang paanyaya sa atin, na maging instrumento tayo ng Kanyang pagmamahal para sa ating kapwa. – Cl. Ramon Solomon Rivera
PANALANGIN:
Panginoon, taos-puso po akong nagpapasalamat sa walang-kundisyong pagmamahal mo sa akin. Patawad po sa napakaraming pagkakataong nagkasala ako Sa’yo at sa aking kapwa. Amen.