EBANGHELYO: LUCAS 9:18-22
Minsan, mag-isang nagdarasal si Jesus at naroon din ang mga alagad. Tinanong niya sila: “Sino raw ako ayon sa sabi ng mga tao?” Sumagot sila: “Si Juan Bautista raw; may iba namang nagsasabi na ikaw si Elias at may iba pang nagsasabi na isang propeta noong una ang nabuhay.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” Sumagot si Pedro: “Ang Mesiyas ng Diyos.” At inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kanino man. Sinabi nga ni Jesus: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw.”
PAGNINILAY:
“Sino raw ako ayon sa sabi ng mga tao?” “Ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” Ito ang mga katanungang ibinato ng Panginoon sa kanyang mga alagad. Ito rin ang katanungan ibinabato ng Panginoon sa atin: sino ba siya sa ating buhay? Ang mundo natin sa ngayon, puno ng mga bagay na nakakapagpagulo sa ating isipan, sa kung ano ba ang nararapat at tama, sa kung ano ba ang wasto at naaayon. Ang ebanghelyo ngayong araw, nagpapa-alala sa atin ng isang napakahalagang tanong sa ating buhay bilang mga Kristiyano: Sino si Jesus sa ating mga buhay? Kaya ba nating sabihin na siya ang Kristo, ang Panginoon at Diyos ng ating buhay? Totoong hindi madali ang pagtugon sa panawagan ng ating Panginoong Jesukristo bilang kanyang mga tagasunod. Inialay niya ang kanyang sarili upang matubos tayo sa ating mga kasalanan. Hindi niya ininda ang sakit, ang paghihirap at ang mga pagdurusang kanyang haharapin alang-alang sa pagmamahal Niya sa bawat isa sa atin. Mga kapanalig, bilang mga Kristiyano, nahaharap tayo sa hamon kung kaya ba nating ialay ang ating mga sarili para mapalaganap ang katotohanan? Kaya ba nating magsakripisyo ng mga bagay-bagay para makapaglingkod tayo, lalo’t higit sa mga nangangailangan? Nawa sa pamamagitan ng ating pananalita at gawa, makapagbigay tayo ng inspirasyon sa kapwa natin upang mamuhay rin sila nang naaayon sa mga tagubilin ni Jesus. Nawa ang buhay natin, makapag-udyok sa ating kapwang magsabi na “Tunay ngang si Kristo ang namumuhay sa puso niya!” – Cl. Jerome Ypulong, SSP