EBANGHELYO: LUCAS 9:43-45
Nang lubos na nagtataka ang lahat dahil sa mga ginagawa ni Jesus, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Itanim n’yong mabuti sa inyong pandinig ang mga kataga kong ito: ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao.” Hindi nila naintindihan ang pahayag na ito at nalingid ito sa kanila upang hindi nila maunawaan. At takot naman silang magtanong sa kanya tungkol sa pahayag na ito.
PAGNINILAY:
Sa ating buhay hindi maiiwasang makaranas tayo ng mga pangyayaring hindi natin maintindihan, mga kaganapang pilit man nating hinahanapan ng kahulugan, pero hindi talaga natin lubos maunawaan. “Bakit ba nangyari sa akin ito?” “Ano bang nagawa ko at kelangan kong maranasan `to?”. Ang Ebanghelyo ngayon, nagsasabing nung nilahad ni Jesus sa kanyang mga alagad ang kanyang nalalapit na paghihirap, pagdurusa at pagkamatay, hindi nila siya lubos maunawaan. Hindi ibinunyag ni Jesus ng tahasan sa kanyang mga alagad, ang kahulugan ng pahayag na siya`y ipagkakanulo, itatakwil, magdurusa at mag-aalay ng kanyang buhay alang-alang sa ating kaligtasan. Ang kahulugan ng mga sinabing ito ng Panginoong Jesukristo, mauunawaan at maiintindihan lamang ng lubusan ng kanyang mga alagad sa kanyang muling pagkabuhay! Mapapalad tayong mga Kristiyano sa panahong ito, dahil naisalin na sa ating pananampalataya ang kahulugan ng pagpapakasakit, pagkamatay at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesukristo. Pero, hindi doon nagtatapos ang katungkulan natin bilang mga Kristiyano: dapat din nating maunawaan na dapat tayong mamuhay nang nararapat at kaaya-aya sa paningin ng Diyos Ama. Makakamit lamang natin ito kung isasabuhay natin ang mga utos at mga habilin ni Jesus: na mahalin ang Panginoon na ating Diyos nang higit sa lahat, at mahalin din natin ang ating kapwa tulad ng ating pagmamahal sa ating mga sarili. Ang simpleng pagsasabuhay ng kautusang ito, makikita sa ating pagtulong sa lubos na nangangailangan, pagpapatawad sa mga nagkasala sa atin, at higit sa lahat ang pagbibigay ng halaga sa buhay ng ating kapwa. Amen. – Cl. Jerome Ypulong, SSP