Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 29, 2019 – IKA-26 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

EBANGHELYO:  LUCAS 16:19-31

Sinabi ni Jesus sa mga Pariseo: “May isang mayaman na nakabihis ng magarang damit at pinong linen at parang piyeta ang kanyang buhay sa araw-araw. Nakahandusay naman sa may pintuan niya ang isang dukhang nagngangalang Lazaro. Tadtad siya ng mga sugat at gusto sana niyang kainin ang mumong nahuhulog sa hapag ng mayaman; sa halip ay mga aso ang lumalapit sa kanya at hinihimuran ang kanyang mga sugat. At namatay ang dukha at dinala siya ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin naman ang mayaman at inilibing. Nang nasa impiyerno na siya…sumigaw siya: ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin at utusan mo  naman si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri para paginhawain ang aking dila dahil lubha akong naghihirap sa lagablab na ito.’ “Sumagot si Abraham: ‘Anak, alalahanin mong tinanggap mo na sa buhay mo ang mabuti sa iyo at kay Lazaro naman ang masasama. Kaya siya ngayon ang nasa ginhawa ikaw ang nagdurusa. At isa pa’y malawak na kabundukang hindi matatawid ang itinakda sa pagitan natin. Kaya hindi makatatawid…ang mula riyan papunta rito.’ “Sumagot ang mayaman: ‘Kaya ipinakikiusap ko sa iyo, Ama, na papuntahin mo si Lazaro  sa bahay ng aking ama, kung saan naroon ang lima kong kapatid para babalaan sila upang hindi sila mapunta sa lugar na ito ng pagdurusa.’ Sumagot si Abraham: ‘Nasa kanila sa Moises at ang Mga   Propeta, makinig sila sa mga ito.’ Sinabi niya: ‘Hindi gayon, Amang Abraham; kung isa sa mga patay ang pupunta sa kanila, magsisisi sila.’ “Sinabi ni Abraham: ‘Kung hindi nila pakikinggan si Moises at ang Mga Propeta, bumangon man ang isa sa mga patay ay hindi pa rin sila maniniwala.’”    

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyong narinig natin, hindi binigyan ng pangalan ang mayaman, pero tinukoy naman si Lazaro.  Bahagi ng pananaw ng Ebanghelyo ni San Lukas ang mahihirap, at may espesyal silang lugar sa Kaharian ng Diyos at sa puso ni Jesus. Napunta ang mayaman sa impiyerno, hindi dahil nagnakaw o gumawa siya ng korupsyon.  Nahusgahan ang mayaman dahil naging bulag siya sa kalagayan ni Lazaro.  Mga kapanalig, ilan ba sa atin ang bulag din sa pangangailangan ng ating kapwa?  Nagtatrabaho tayo araw-araw para lamang sa kapakanan ng ating sarili at pamilya, at wala na tayong pakialam sa pangangailangan ng ating kapwa.  Katulad ng mayaman sa kuwento, wala nga tayong ginawang masama; pero wala din naman tayong ginawang mabuti para maibsan ang paghihirap ng ating kapwa.  Sin of omissionang tawag sa kawalan ng pakialam sa pangangailangan ng ating kapwa, lalo na, kung may kakayahan naman tayong tumulong.   

PANALANGIN:

Panginoon, tulungan Mo po akong makita ang pangangailangan ng aking kapwa, at makatugon sa abot ng aking makakaya.  Amen.