EBANGHELYO: LUCAS 9:46-50
Nangyari na ikinabahala ng mga alagad kung sino nga kaya sa kanila ang pinakadakila. Alam ni Jesus ang pinagtatalunan nila sa kanilang isipan kaya kumuha siya ng isang bata at pinatayo sa tabi niya. At sinabi niya sa kanila: “Ang tumatanggap sa batang ito sa ngalan ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. At isa pa: ang matagpuang pinakamaliit sa inyong lahat ang siyang dakila.” At nagsalita si Juan: “Guro, may nakita kaming nagpalayas ng mga demonyo sa ngalan mo. Pero pinagbawalan namin siya dahil hindi siya sumusunod na kasama namin.” Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya: “Huwag ninyo siyang pagbawalan dahil panig sa inyo ang hindi laban sa inyo.”
PAGNINILAY:
Sa sinabi ng Panginoon na “Ang matatagpuang pinakamaliit sa inyong lahat ang siyang dakila”, balik na naman tayo sa palagiang usapin, aral, at hamon sa ating mga Kristiyano – ang kababaang-loob. Isa itong mabuting pag-uugali na unti-unti nang nawawala ngayon. Mapapansin natin sa mga jammingng magkakaibigan at magbabarkada, hindi mawala ang magbidahan. At siyempre, ang karaniwang ibinibida ang kanyang sarili, ang kanyang galing dumiskarte, ang tagumpay na nakamtan, at kung anu-ano pa. Sa ebanghelyo ngayon, nababatid ng Panginoon ang saloobin ng mga alagad. Pinag-iisipan nila kung sino ang pinakadakila sa kanila. Sino nga ba ang pinakadakila? Ayon sa mga Pariseo, dakila ang tumutupad kahit sa pinakamaliit na utos ng batas. Ayon sa mga saserdote, pinakadakila ang taong handang maging lingkod ng lahat. Naparito si Jesus hindi upang paglingkuran, kundi maglingkod at ialay ang buhay para sa kaligtasan ng nakararami. Ang nangyari sa huling hapunan, kung saan hinugasan ni Jesus ang paa ng mga alagad, ang pinaka-konkretong halimbawa ni Jesus. Matapos gawin ito, sinabi ni Jesus: Gawin ninyo ito sa isa’t isa. Mga kapanalig, ang kakayahang maging mababang-loob at maglingkod sa lahat, sa kabila ng pinanghahawakang posisyon, ang taong maituturing na pinadakila. Kinaiinisan naman ang mga taong mayabang at bossykung mag-asta. Kaya kung naghahangad man tayong maging dakila, maging handa tayong maglingkod sa lahat nang walang walang hinihintay na kapalit. Tularan natin ang Panginoong Jesus sa Kanyang wagas na paglilingkod, handang ialay ang sarili para sa ikabubuti ng lahat.