Nang papalapit na ang panahon ng pag-aakyat sa kanya, tahasang ipinasya ni Jesus na pumunta sa Jerusalem. Nagpadala siya ng mga sugo para mauna sa kanya at pumasok sila sa nayon ng mga Samaritano para ihanda ang kanyang matutuluyan. Pero ayaw nila siyang tanggapin dahil papunta sila sa Jerusalem. Kaya sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad na sina Jaime at Juan: “Panginoon, gusto mo bang tumawag kami ng apoy na babagsak mula sa Langit para puksain sila?” Lumingon si Jesus at pinagwikaan sila, at sa ibang bayan sila nagpunta.
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyo ngayon, hindi makatiis ang magkapatid na Juan at Jaime dahil hindi sila tinanggap ng mga Samaritano. Gustong-gusto na nilang magpadala ng apoy para puksain sila. Nagawa nila itong sabihin dahil naniniwala sila na si Jesus ang panibagong Elias. Noon kasi, sa panahon ni Propeta Elias, makalawang beses niyang tinawag ang apoy/ para puksain ang kanyang mga kaaway. Pero ipinakita ni Jesus ang pagkakaiba nila ni Elias. Naintindihan Niya kung gaano ang pagkainis ng mga Samaritano sa tulad nilang mga Judio lalo na kung dumadaan sila sa kanilang lugar papunta sa Jerusalem. Kaya umalis na lang sila at nagpunta sa makatatanggap sa kanila. Mga kapanalig, paalala ito sa atin na huwag tayong maging marahas sa mga hindi tumanggap at makaunawa sa atin. Dahil gaano man ang pagsisikap nating magpakabait at magpakabuti/sa ating pakikitungo sa kapwa – hindi natin mapasisiya ang lahat. Meron at meron silang masasabing puna sa atin. Natural ito! Dahil iba-ibang pamilya/ang pinanggalingan natin. At kadalasan, ang mga taong hindi nakatanggap ng pagmamahal, papuri at suporta/mula sa kanilang mga magulang noong sila ay bata pa; sila ang hindi marunong magmahal, pumuri at sumuporta sa iba. Ika nga ng kasabihan, “we cannot give what we do not have.” Dapat ba natin silang kamuhian at iwasan? Hindi! Kundi dapat natin silang kahabagan at kasihan ng pagmamahal. Dahil sila’y nagdurusang kaluluwa, na naghahangad ng pag-unawa at pagmamahal. Hilingin natin ang tulong-panalangin ni Santa Teresita/ na tulungan tayong magmahal lalo na ng mga taong mahirap mahalin. Santa Teresita ni Jesus, ipanalangin mo kami. (Sr. Lines Salazar, fsp)