Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 2, 2019 – MIYERKULES SA IKA-26 LINGGO NG TAON | Paggunita sa mga Banal na Anghel na Tagatanod

EBANGHELYO: MATEO 18:1-5, 10

Lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa Kaharian ng Langit?” Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo: hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging tulad ng maliliit na bata hindi kayo makakapasok sa Kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa Kaharian ng Langit. At tinatanggap naman ako ng sinumag tatanggap sa batang ito nang dahil sa aking pangalan. Huwag sana n’yong hamakin ang isa sa maliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na lagging nasa harap ng Aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.”

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, naniniwala tayo na ang Diyos, nagtalaga ng isang anghel sa bawat isa sa atin noong tayo’y ipinanganak para bantayan, gabayan at mamagitan para sa atin. Sinabi ni Santo Gerome, “Gaano kalaki ang dangal ng kaluluwa, yamang ang bawat isa mula sa kanyang kapanganakan may isang anghel na inatasan na bantayan ito!”Ayon din kay Santo Thomas Aquinas, ang anghel na tagatanod ay napabilang sa pinakamababang pagkakasunud-sunod ng mga Angel na nagsisilbing mga tagapangalaga. Tingnan natin ang gawain ng ating mga Anghel na Tagatanod.  Una, ang mga banal na anghel na tagatanod ay nagbabantay sa atin.Pinangangalagaan tayo ng anghel na ito mula sa mga panganib at masasama. Pangalawa, Ang mga banal na anghel na tagatanod ay naglilingkod sa mga lingkod ng Diyos. Sila ang mga sugo ng Diyos: hindi lamang nila dinadala ang mensahe ng Diyos, kundi pati na rin, ipinatutupad ang mensahe na iyon sa ating buhay. Ikatlo, ang mga banal na anghel na tagatanod ay gumagabay sa atin.  Sila ang nangunguna at gumagabay sa atin sa landas ng kaligtasan, at upang matupad ang plano ng Diyos sa ating buhay.    Ikaapat, Ang mga banal na anghel na tagatanod ay namamagitan para sa atin sa harap ng makapangyarihang Diyos.Sila ay nabubuhay nang walang hanggan sa piling ng Diyos, at sila ay nabubuhay din sa paligid natin. (Fr. Tony Atole, ssp)

PANALANGIN:

Panginoon, maraming-maraming salamat po sa pagkaloob Mo sa akin ng Anghel na Tagatanod upang ako’y tanuran. Kilalanin ko nawa lagi ang kanyang presensya at paggabay, upang Sayo’y huwag akong mawalay, Amen.