Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 6, 2019 – IKA-27 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

EBANGHELYO: LUCAS 17:5-10

Sinabi ng mga apostol sa Panginoon: “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.” Sumagot ang Panginoon: “Kung may pananampalataya kayong sinalki ng buto ng mustasa, masasabi n’yo sa punong malaigos na iyan: ‘Mabunot ka at sa dagat ka matanim,’ at susundin kayo nito. “Ipagpalagay nang may katulong na nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa ang isa sa inyo. Anong sasabihin niya rito sa pagbalik nito galing sa bukid? Sasabihin kaya niya: “Halika na’t dumulog sa hapag’? Sa halip ay sasabihin niya: “Ihanda mo ang aking pagkain; magbihis ka’t pagsilbihan ako habang kumakain ako’t umiinom, at saka ka na kumain at uminom.’ Dapat kaya kayong tumanaw ng utang-na-loob sa utusang iyon dahil ginawa nito ang iniutos? Gayundin naman sa inyo. Pagkagawa n’yo sa lahat ng iniutos sa inyo, sabihin n’yo: ‘Mga karaniwang utusan kami; ginawa lang namin ang dapat naming gawin.’”

PAGNINILAY:

Anong uri ba ng pananampalataya ang inaasahan sa atin ng Panginoon? Ang sagot:  isang uri ng pananampalataya na may katapatan at pananalig na praktikal – na sa kabila ng mga pagsubok at kahirapan, nananatiling matatag at mahinahon pa rin sa buhay. May kuwento tungkol sa isang lalake nanaglalakad sa gilid ng bangin, isang gabi. Dahil sa madulas ang daan, nahulog ang lalake sa bangin. Pero, nakahawak siya sa isang baging. Dahil sa takot na baka tuluyan siyang malaglag sa bangin, tumawag siya sa Diyos. “Panginoon, kung talagang nariyan Ka, iligtas mo ako!” Sumagot ang Panginoon, “Kung talagang naniniwala ka sa Akin, bumitiw ka sa baging.” “Panginoon, baka malaglag ako!” ”Magtiwala ka sa akin.” Bumitiw nga siya! Iyon pala, isang dangkal lamang ang kanyang babagsakan.  Mga kapanalig, tulad ng inilalarawan sa kuwento, minsan, sa buhay natin, hindi natin makita ang Diyos sa panahon ng kadiliman na siyang kumakatawan sa ating paghihirap, kabiguan, at mga pagsubok. Pero dapat tayong manalig sa Panginoon dahil nakikita niya tayo at iyon ang mahalaga. (Fr. Tony Atole, ssp)

PANALANGIN:

Panginoong Jesus, naniniwala kami na naparito ka upang itatag ang iyong kaharian. Sa pamamagitan ng kaloob Mong pananalig, masaya naming tinatanggap ang mga oportunidad na ibinigay mo sa amin, upang mahalin ang iyong bayan. Panginoon, dagdagan ang aming pananampalataya upang maipagpatuloy naming maitayo ang iyong kaharian. Amen