Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 8, 2019 – MARTES SA IKA-27 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 10:38-42

Pumasok si Jesus sa isang nayon at pinatuloy siya ng isang babaeng nagngangalang Marta. May kapatid siyang babae na tinatawag na Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon at nakikinig sa kanyang salita. Abalang-abala naman si Marta sa mga pagsisilbi kaya lumapit siya at sinabi: “Panginoon, hindi mo ba napapansing pinabayaan ako ng aking kapatid na babae na magsilbing mag-isa? Pakisabi mo naman sa kanya na tulungan ako.” Sumagot sa kanya ang Panginoon: “Marta, Marta, abala ka’t balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.”

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, kumakatawan sina Marta at Maria sa dalawang mukha ng pananampalataya. Si Marta ay kumakatawan sa bahagi ng paglilingkod ng pananampalataya. Si Maria naman ay kumakatawan sa bahagi ng panalangin at pagsamba. Ang dalawang ito ay hindi maaring magkahiwalay, lagi silang magkaugnay. Hindi maaring isa lamang ang gagawin at iiwan ang isa; kailangan balanse ang dalawa. Hindi maaaring puro panalangin lamang at naiwan ang paglilingkod; o puro paglilingkod lamang at wala na ang panalangin. Kung wala ang isa, lagi itong kulang, kaya kailangan palaging buo, para maging mabisa at buhay ang ating pananampalataya. Ito ang motto ni San Benedicto, Ora et Labora– Pray and Work. Naalaala ko ang kuwento ni Mario sa akin. Noong siya ay nasa koliheyo pa lang hindi siya nagpabaya sa kanyang pag-aaral. Kung meron mga homework o takdang aralin, ito ay kanyang ginagawa at hindi niya ito ipinapagpaliban. Maliban diyan pagdating ng week-ends, aktibo naman siya sa simbahan. At bago siya umuwi dumadaan muna sa Blessed Sacramentpara magdasal. Pagdating ng board exam, hindi siya masyadong nahirapan dahil lahat ng kanyang pinag-araalan, lumabas.  At ito raw ang kanyang ipinagdasal sa panginon.  Mga kapanalig, tunay na napakahalaga ang paggawa at pagdarasal sa buhay ng bawat kristiyano.  Huminto tayo sumandali at sahihin natin: Panginoong Jesus, nandirito ako. Masaya akong maglaan ng panahon para Sa’yo.  Tulungan Mo po akong balansehin ang aking buhay paglilingkod at pananalangin, Amen. (Fr. Tony Atole, ssp)