Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 9, 2019 – MIYERKULES SA IKA-27 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 11:1-4

Isang araw, nananalangin si Jesus sa isang lugar at pagkatapos niya’y sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin kung papanong tinuruan ni Juan ang kanyang mga alagad.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Kung mananalangin kayo, sabihin niyo: “Ama, sambahin ang ngalan mo, dumating ang Kaharian mo, bigyan mo kami araw-araw ng pagkaing kailangang-kailangan namin, patawarin mo kami sa aming mga sala; tingnan mo’t pinatatawad din namin ang lahat ng may utang sa amin, at huwag mo kaming dalhin sa tukso.”

PAGNINILAY:

Habang binabasa ko ang ebanghelyo ngayon, hindi ko maiwasang mamangha at magtanong. Paano kaya magdasal ang mga alagad ni Juan at nagka interes ang mga alagad ni Jesus na magpaturo sa kanya ng dasal? Ano naman kaya ang problema sa mga bata ngayon, na kailangan pang pilitin upang magdasal? O sa mga mag-aaral na kailangan pang bantayan at pagsarhan ng gate ng paaralan, upang huwag tumakas sa pagdiriwang ng Banal ng Misa?  Mga kapanalig, naniniwala ako na hindi lamang sa pagdarasal humanga ang mga alagad ni Jesus, kundi maging sa pagsasabuhay. Maaari ring namangha at humanga sila sa relasyong meron si Jesus sa Kanyang Ama. Kung ganon, kapag napukaw pala natin ang paghanga at interes ng isang tao, hindi na siya kailangang pilitin o takutin upang magdasal o magsimba. Sa pagkapukaw ng kanyang paghanga, kusang-loob niyang hahangarin ang lumapit sa Diyos.  Sa isang pamilya, makikita ang excitement sa mga anak na pumunta sa Simbahan, kung alam nilang lakad ito ng buong pamilya. Hindi lamang ito simpleng pagsamba sa Diyos, kundi bonding time rin para sa pamilya. Sa maayos na paggabay ng mga magulang, sabay na lalago ang relasyon sa Diyos at pamilya. Magbinata o magdalaga man ang mga anak, at magkaroon ng sariling mga lakad, ang pakikipagrelasyon sa Diyos ay bahagi na ng kanilang buhay.  Sa simpleng pagkapukaw ng interes sa pagdarasal ng mga alagad ni Jesus, nahayag sa ating lahat, ang tunay na relasyon natin sa Diyos. Siya ang ating mapagmahal na Ama, at tayo naman kanyang mga anak. Ganito rin sana ang mangyari sa bawat taong mapupukaw ang interes na lumapit sa Diyos. Higit nya sanang maunawaan ang lalim ng pagmamahal ng Diyos sa kanya at lalong matuklasan ang dami ng biyayang nakalaan sa bawat taong tapat sa Panginoon. Amen. (Sr. Lou Ranara, fsp)