Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 10, 2019 – HUWEBES SA IKA-27 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 11:5-13

Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad: “Ipalagay nating may kaibigan ang isa sa inyo at pinuntahan mo siya sa hatinggabi at sinabi: ‘Kaibigan, pahiram nga ng tatlong pirasong tinapay dahil kararating lang mula sa biyahe ng isa kong kaibigan at wala akong maihain sa kanya.’ At sasagutin ka siguro na nasa loob: ‘Huwag mo na akong gambalain. Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng mga bata; hindi na ako maaaring tumayo para bigyan ka.’ Sinasabi ko sa inyo, kung hindi man siya bumangon para magbigay dahil sa pakikipagkaibigan, babangon pa rin siya at ibibigay sa iyo ang lahat mong kailangan dahil sa pagpupumilit sa kanya. Kaya sinasabi ko sa inyo: humingi at kayo’y bibigyan, maghanap at matatagpuan ninyo, kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakatagpo and naghahanap at pinagbubuksan ang kumakatok. Sino sa inyo ang amang magbibigay ng ahas sa kanyang anak kung isda at hindi ahas ang hinihingi nito? Sino ang magbibigay ng alakdan kung itlog ang hinihingi? Kaya kung kayo mang masasama’y marunong magbigay ng mabuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang Ama mula sa Langit? Tiyak na ibibigay niya ang banal na Espiritu sa mga hihingi sa kanya.”

PAGNINILAY:

“Salamat at dininig ng Diyos ang aking dasal.” “Matagal ko nang pinagdarasal ito.” “Tila tahimik ang Diyos sa aking panalangin.” Ilan lamang ito sa mga reaksyon natin sa ating mga panalangin. Bilang mga anak ng Diyos, alam natin na mahalaga para sa atin ang mag-dasal, ang manalangin dahil nangangahulugan ito ng ating ‘dependence’ sa Poong Maykapal. Kaya naman kahit na sa tingin natin ang tagal, at tila walang kasagutan ang Diyos sa ating mga kahilingan, huwag tayong panghihinaan ng loob. Dapat na maging malinaw sa atin na hindi lahat ng ating hinihingi, ibibigay ng Diyos. Dahil posibleng may hinihingi tayo na hindi naman talaga natin kailangan o kaya hindi makabubuti sa atin.  Maaaring ang ibigay sa iyo ng Diyos, hindi mo gusto, pero alam ng Diyos na iyon ang makabubuti para sa iyo. Posible din na maghintay pa ang sagot Niya. Dito, sinusubukan ng Diyos ang ating katapatan at katatagang maghintay.  Mga kapanalig, ang resulta ng ating pagdarasal ay wala sa ating kamay, pero nakakasiguro tayo na ang Diyos ay butihin at walang makakatumbas ng kanyang kabutihan. Amen. (Rev. Fr. Brian Tayag, ssp)