EBANGHELYO: LUCAS 14:12-14
Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya: “Kung maghahanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mga kaibigan mo o mga kapatid mo o mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang iyong kumbidahin, baka kumbidahin ka rin nila at susuklian ka. Kung maghahanda ka, mga dukha, mga bale-wala, mga pilay at mga bulag ang kumbidahin mo. At magiging mapalad ka dahil hindi ka nila masusuklian ngunit sa pagkabuhay ng mga mabuti ka susuklian.”
PAGNINILAY:
Ang Ebanghelyo ngayon, paanyaya na suriin ang ating paglilingkod sa kapwa at ang ating saloobin sa tuwing tayo’y naglilingkod. Ginamit ni Jesus na halimbawa ang paghahanda ng tanghalian o hapunan. Sinabi Niya na sa mga okasyong ito, huwag mga kaibigan, kapatid, kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang iyong kumbidahin, kundi mga dukha, balewala, pilay at bulag. Aminin natin na isa itong turo ng Panginoon na hindi madaling isabuhay. Dahil naging kaugalian na natin, maging nang ibang kultura na kumbidahin sa handaan ang mga kaibigan, kamag-anak at kapitbahay. Hindi naman ito masama. Inaanyayahan lamang tayo ng Panginoon na huwag natin itong unawain nang literal. Mga kapanalig, sa sinabi ni Jesus na kumbidahin ang mga taong walang kakayahang suklian ang mabubuting ginawa natin sa kanila – nais niyang lumago tayo sa buhay-kabanalan at matularan ang Diyos sa Kanyang walang pagtatanging pagtrato sa mga tao. Ginamit niyang halimbawa ang mga dukha at balewala sa lipunan, dahil ganoon ang katayuan natin sa harap ng Diyos na pinakadakila sa lahat, ang may gawa ng Langit at lupa, ang ating Tagapaglikha. Wala tayong kakayahang bayaran Siya sa mga biyaya at pagpapalang patuloy Niyang ipinagkakaloob sa atin. Kung nag-aalay man tayo sa Simbahan o nagkakawanggawa sa kapwang maralita – ito’y dahil pinagkalooban tayo ng Diyos ng mga biyayang ito. Sa halip, na bayaran natin Siya dahil sa Kanyang kabutihang-loob – nais Niya lamang na sumunod tayo sa Kanya, magbigay at maglingkod sa kapwa nang hindi naghihintay ng kapalit. Kaya sa tuwing tayo’y nagkakawang-gawa, bantayan natin ang ating sarili, lalo na ang ating saloobin. Dahil bilang tao, hindi maalis sa atin na mag-isip na kapag nagpapakabuti tayo, tumutulong sa taong nangangailangan, laging nagsisimba, nagdarasal, naglilimos, nagsasakripisyo – minsan nararamdaman natin na marapat tayong suklian ng Diyos sa mabubuti nating gawa. Hindi na tayo makakaranas ng pagsubok at parang may utang na loob ang Diyos sa atin. Tandaan natin, na hindi kailanman nagkakautang na loob ang Diyos sa atin, dahil lahat, biyayang nanggagaling sa Kanya. Hilingin nating lumago tayo sa wagas na paglilingkod sa Diyos at sa ating kapwa nang walang hinihintay na kapalit. Amen. – Sr. Lines Salazar, fsp