Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 16, 2019 – SABADO SA IKA-32 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 18:1-8

“Dapat laging manalangin at huwag masiraan ng loob”—ito ang sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad sa isang talinhaga. Sinabi niya: “Sa isang lunsod, may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa mga tao. May isa ring biyuda sa lunsod na iyon na madalas pumunta sa kanya at sinasabi: ‘Igawad mo sa akin ang katarungan laban sa aking kalaban.’ Matagal siyang umayaw pero naisip niya pagkatapos: ‘Wala man akong takot sa Diyos at walang pakialam sa tao, igagawad ko pa rin ang katarungan sa biyudang ito na bumubuwisit sa akin at baka masiraan pa ako ng ulo sa pagpunta-punta niya.’” Kaya dinagdag ng Panginoon: “Pakinggan n’yo ang sinabi ng di matuwid na hukom. Hindi ba’t igagawad ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na araw-gabing tumatawag sa kanya? Pababayaan ba niya sila? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila nag katarungan. Ngunit pagdating ng Anak ng Tao, makakakita kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”

PAGNINILAY:

Pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo ngayon nang kahalagahan ng pagiging masigasig sa ating pananalangin.  Kung hindi pa man ipinagkakaloob ng Diyos ang ating kahilingan, huwag tayong manghinawang magdasal at huwag masisiraan ng loob.  Dahil kung talagang makabubuti sa atin ang ating kahilingan, hinding-hindi ito ipagkakait ng Diyos.  Maghintay lamang tayo sa tamang panahon at pagkakataong Kanyang itinakda.  Pero kung ang ating kahilingan makasasama sa atin, at magdudulot lamang ng katakut-takot na problema at paghihirap sa hinaharap – hindi ito ipagkakaloob ng Diyos sa atin dahil ayaw Niya tayong mapahamak.  Ganun nga tayo kamahal ng Diyos!  Hangad Niya lagi kung ano ang makabubuti sa atin. Bilang ating Tagapalikha at Tagapaligtas – kilalang-kilala Niya ang bawat isa sa atin, alam na na alam Niya ang ating mga kalakasan at kahinaan, at nababatid Niya rin kung ano ang tunay na makabubuti sa atin.  Kaya huwag tayong magmukmok o magrebelde sa Diyos kung hindi man Niya ipinagkaloob ang lahat ng ating hinihingi.  Dahil may dahilan Siya kung bakit.  Sa halip, maging mapagpasalamat tayo sa anumang tugon ng Diyos sa ating panalangin: “Oo” man o “Hindi” o “maghintay” ang Kanyang tugon, manalig tayo na para ito sa ating kabutihan.  Kaya sa tuwing tayo’y nagdadasal, maging bukas sana tayo lagi sa anumang itutugon ng Diyos.  Matapos nating ilahad sa Diyos ang ating mga kahilingan at ang taimtim na hangarin ng ating puso, sambitin natin ang ganito:  Panginoon, nagsusumamo po ako na ipagkaloob N’yo ang aking kahilingan, kung naaayon ito Sa’yong banal na kalooban. Amen. – Sr. Lines Salazar, fsp