Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 18, 2019 – LUNES SA IKA-33 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 18:35-43

Nang malapit na si Jesus sa Jerico, may isang bulag doon na nakaupo sa tabi ng daan at nagpapalimos. Nang marinig niya ang maraming taong nagdaraan, itinanong niya kung bakit. At may nagsabi sa kanya: “Sina Jesus na taga-Nazaret ang dumaraan.” Kaya sumigaw siya: “Jesus, Anak ni David, maawa ka sa akin.” Pinagsabihan siya at pinatahimik ng mga nauuna pero lalo naman niyang nilakasan ang sigaw: “Anak ni David, maawa ka sa akin.” Kaya tumigil si Jesus at ipinadala ang bulag sa kanya at nang malapit na ay itinanong: “Anong gusto mong gawin ko sa iyo?” Sinabi nito: “Panginoon, makakita sana ako.” At sinabi ni Jesus: “Manumbalik ang paningin mo, iniligtas ka ng iyong pananalig.” Agad siyang nakakita at niluluwalhati ang Diyos na sumunod kay Jesus. At nagpuri sa Diyos ang lahat ng nakakita rito.

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, pwede nating ihalintulad ang buhay pananampalataya natin sa isang bulag. Marami na tayong narinig na turo tungkol sa Diyos, nagbabasa at nag-aaral tayo ng Kanyang Banal na Salita, pero sa maraming pagkakataon sa ating buhay, ang kagustuhan pa rin natin ang siyang nasusunod.  At kapag nagkaproblema tayo dahil sa ating maling desisyon, ayaw nating aminin ang ating pagkakamali.  At madalas naghahanap tayo ng ibang taong masisisi, at ang masama pa, ibinabaling natin sa Diyos ang sisi.  Isa itong konkretong halimbawa ng espiritwal na pagkabulag.  Nabubulag tayo sa ating pananampalataya sa tuwing nawawala ang pananalig natin sa Diyos; sa tuwing sinisisi natin Siya sa mga di kanais-nais na pangyayari sa ating buhay; at sa tuwing nawawalan tayo ng pag-asa sa gitna ng pagsubok na kinakaharap natin sa buhay.  Isa pa ring tanda ng espiritwal na pagkabulag ang sobrang pagpapahalaga natin sa mga materyal na yaman, na di naman madadala sa oras ng kamatayan. Handang isakripisyo ang integridad at Kristiyanong pananampalataya para lamang makamit ang yaman at parangal na panandalian.  Sa kabila ng ating espiritwal na pagkabulag at maling pinahahalagahan, mahal pa rin tayo ng Diyos.  Malawak ang Kanyang pang-unawa sa mga kahinaan natin.  Palagi pa rin Niya tayong binibigyan ng panibagong pagkakataon upang itama ang mga mali nating nagawa sa buhay.  Kailangan lamang nating lumapit sa Kanya nang may kababaang-loob at lubos na pagsisisi sa mga nagawa nating kasalanan. Amen. – Sr. Lines Salazar, fsp