EBANGHELYO: LUCAS 19:1-10
Pumasok si Jesus sa Jerico at dumaan sa siyudad. At may isang taong nagngangalang Zakeo. Pinuno siya ng mga kolektor ng buwis at napakayaman. Sinikap niyang makita kung sino si Jesus pero pandak siya at hindi niya magawa dahil sa dami ng mga tao. Kaya patakbo siyang umuna at umakyat sa isang punong-malaigos para makita si Jesus pagdaan doon. Pagdating ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi sa kanya: “Zakeo, bumaba ka agad. Sa bahay mo nga ako dapat tumigil ngayon.” Nagmamadali siyang bumaba at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus. Inireklamo naman sa isa’t isa ng lahat ng nakakita rito: “Sa bahay ng isang lalaking makasalanan siya nakituloy.” Ngunit tumayo si Zakeo at sinabi sa Panginoon: “Panginoon, ibibigay ko sa mga dukha ang kalahati ng aking mga ari-arian; at kung may nadaya ako, apat na beses ko siyang babayaran.” At sinasbi sa kanya ni Jesus: “Dumating ngayon ang kaligtasan sa sambahayang ito dahil anak nga ni Abraham ang taong ito. At dumating ang Anak ng Tao para hanapin at iligtas ang nawawala.”
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, isang bagong linggo na naman ang ating sinimulan kahapon. Panibagong linggo na puno ng gawaing bahay, trabaho, trapik, ingay, polusyon. Para bang paulit-ulit na lang? Marahil senyales na ito na tumigil ka muna sandali para tingnan kung may meaningpa ba ang buhay mo. Nagsimula na ang Christmas countdown. Ilang linggo na lang, Pasko na ulit. Muli nating sasariwain ang naging pagdating ng sanggol na si Hesus sa mundo. Excited ka na ba? Tulad ni Zakeo, ang kanyang pagnanais na makita at makilala si Hesus ang nagbunsod sa kanya na umakyat ng puno. Ikaw, kailan ka huling nasabik magsimba o magbasa ng Bibliya? Marahil sa ngayon, mas excited tayo sa mga sale at Christmas parties, at lahat tayo’y magiging abala na. Pero sana sa kabila ng mga pinagkakaabalahan natin, maglaan tayo ng oras upang mas makilala pa si Hesus at masabik tayo sa karunungang Kanyang ibabahagi sa atin. Dahil ang Panginoong Jesus ang nagbibigay meaningsa buhay natin. – Anne Loraine Santos
PANALANGIN:
Panginoon, pukawin N’yo po ang aming puso at isip na masabik na makilala Kayo ng lubusan. Matanto nawa namin ang walang hanggang pagmamahal Ninyo sa amin, nang ibahagi Ninyo sa mundong ito ang Inyong Anak na si Hesus. Amen.