Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 20, 2019 – MIYERKULES SA IKA-33 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 19:11-28

Malapit na si Jesus sa Jerusalem at akala ng mga taong kasama niya’y agad na ipakikita ang Kaharian ng Diyos.  Kaya sa kanilang pakikinig ay isa pang talinhaga ang inilahad ni Jesus sa kanila. Sinabi niya:  “May isang maharlikang tao na pumunta sa malayong lupain para mahirang na hari at saka siya babalik.  Tinawag niya ang sampu niyang katulong at binigyan sila tig-iisang baryang ginto at sinabi sa kanila:  ‘Ipagnegosyo n’yo ito hanggang sa aking pagbalik. Namumuhi sa kanya ang kanyang mga kababayan kaya nagsugo sila ng ilang kinatawan para sabihin: ‘Ayaw naming maghari sa amin ang taong ito.’Gayon pa ma’y bumalik siya pagkahirang bilang hari.  Ipinatawag niya ang mga katulong na binigyan niya ng baryang ginto para malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa.  Humarap ang unat at sinabi:  ‘Panginooon, tumubo ng sampu pa ang barya mong ginto. “Sumagot siya: ‘Magaling, mabuting utusan; dahil naging matapat Ka sa maliit na bagay, mapamamahala kita sa sampung lunsod.’ Dumating ang ika-lawa at sinabi: ‘Panginoon, tumubo ng lima pa ang iyong baryang ginto.’  Sinabi nito sa kanya:  ‘Mamamahala ka sa limang lunsod. Dumating ang isa pa at sinabi:  ‘Panginoon, narito ang iyong baryang ginto.  Binalot ko ito sa isang panyong at itinago.  Natatakot ako sa iyo dahil mapaghanap kang tao, kinukuha mo ang hini mo idineposito at inaani ang hinidi mo inihasik.’ “Sinabi sa kanya ng panginoon:  ‘Masamang utusan, sa sarili mong mga salita kita hahatulan.  Alam mo palang mapaghanap ako, na kinukuha ko ang hindi ko idineposito at inaani ang hindi ko inihasik, bakit hindi mo idineposito sa bangko ang aking baryang ginto?  At makukubrako sana iyon pati na ang interes pagbabalik ko.’  at sinabi niya sa mga naroon:  ‘Kunin sa kanya ang baryang ginto at ibigay sa may sampu.’  Sumagot sila:  ‘E, Panginoon, may sampung baryang ginto na siya.’Sinasabi ko sa inyo:  bibigyan ang meron pero aalisan ang wala, kahit na ang meron siya ay kukunin sa kanya.  Ngunit dahin n’yo rito ang aking mga kaaway na ayaw akong maghari sa kanila at patayin sa harap ko.’” Pagkasabi nito, umuna si Jesus sa kanila pa-Jerusalem.

PAGNINILAY:

Malinaw ang mensahe ng talinhagang ating narinig:  Pagyamanin natin anumang kaloob na talento o kakayahan na mayroon tayo. Kung may natatangi kang talento tulad ng pag-awit, pagtugtog ng piano, violin o gitara, o pagkatha ng awit, o di kaya mag-disenyo ng website – kailangang pagyamanin mo ito upang lalo kang gumaling dito.  Kung likas na matalas ang utak mo, lalo ka pang magbasa at mag-aral upang lalo ka pang tumalino.  Kung magaling ka sa anumang sports, lalo ka pang magpraktis upang maperfect mo ang sports na ito.  Kung likas sa’yo ang paggawa ng mabuti, sikapin mong gawin ito araw-araw hanggang sa maging bahagi na ito ng iyong pagkatao.  Mga kapanalig, lahat tayo pinagkalooban ng talento at mga kakayahan ng Panginoon; nasa sa atin na ang desisyon kung palalaguin natin ito, pagyayamanin upang maging mabunga.  Kung babalewalain natin ito at ililibing, pananagutan natin ito sa Diyos pagkatapos ng maikling buhay natin sa mundo. Amen. – Sr. Lines Salazar, fsp