EBANGHELYO:LUCAS 19:41-44
Nang malapit na siya sa Jerusalem at kita na ang lunsod, iniyakan ito ni Jesus: “Kung nalalaman mo lamang sana sa araw na ito ang daan sa kapayapaan! Ngunit ngayo’y hindi mo ito nakikita. Sasapit sa iyo ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, kukubkubin ka at sisikilin sa lahat ng dako. Iguguho ka nila sa iyong mga anak at walang iiwang magkapatong na bato sa iyo. Sapagkat hindi mo nalaman ang panahon ni ang pagdalaw ng iyong Diyos.”
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyo natin noong November 9, nakita natin ang galit na si Jesus. Pero ngayon, ibang emosyon naman ni Jesus ang nasaksihan natin. Sa tindi ng kanyang awa sa Jerusalem, napaiyak siya. Batid ni Jesus ang nangyari, nangyayari, at mangyayari. Alam niya ang nakaraan, kasalukuyan at hinaharap. At ito ang kanyang ikinatatangis. Hindi nalalaman ng mga Judio ang mangyayari sa kanila sa hinaharap. Nabubuhay lang sila sa kasalukuyan. Hindi nila alam na may panganib at pagdurusang nakaambang sa hinaharap. Wala namang masama kung mabuhay tayo sa kasalukuyan. Pero depende yan kung anong klaseng buhay meron tayo ngayon. Nakaugnay ba ito sa plano ng Diyos para sa atin? O nauubos lang ang ating oras at lakas sa paghahabol sa work deadlines, sa pakikipagbuno sa traffic, sa paglalaro ng online games, sa pagpapalago ng negosyo at sa marami pang bagay na wala namang ibang resulta kundi ang pansariling kapakanan lang. Mga kapanalig, lawakan natin ang ating pananaw. Hindi lang tayo ang sentro ng mundo. Kung titingin tayo sa paligid, makikita nating may ibang tao pang higit na nangangailangan at naghihirap kesa sa atin. Siguro dapat bawas-bawasan din natin ang ating pag-aalala para sa kinabukasan. Dahil ang labis-labis na pag-aalala sa mga bagay na hindi pa naman nangyayari, nakakaubos din ng oras at lakas. Panghawakan natin ang mensahe ni Jesus sa Ebanghelyo ni San Mateo Kabanata 6 bersikulo 26, “Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid! Hindi sila nagtatanim o gumagapas o nagtitipon sa kamalig, gayunma’y pinakakain sila ng inyong Amang nasa langit. Hindi ba mas mahalaga kayo kaysa kanila?” – Vhen Liboon
PANALANGIN:
Panginoon, turuan mo kaming magtiwala at ialay sa inyo ang aming nakaraan, kasalukuyan at hinaharap. Amen.