EBANGHELYO: LUCAS 23:35-43
Habang nakapako si Jesus, naroon ang mga tao na nakatingin. Pinagtatawanan naman si Jesus ng mga pinuno: “Nailigtas niya ang iba, iligtas din niya ngayon ang kanyang sarili kung siya ang Kristo, ang Hinirang.” Pinagtawanan din siya ng mga sundalong lumapit para painumin siya ng alak na may halong suka. Sinabi nila: “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ngayon ang iyong sarili.” May nakasulat nga sa wikang Griyego, Latin at Hebreo sa kanyang ulunan: “Ito ang Hari ng mga Judio.” Ininsulto rin siya ng isa sa mga kriminal na nakapako sa krus: “Hindi ba’t ikaw ang Kristo? Iligtas mo ang iyong sarili pati kami.” Pero pinagsabihan ito ng isa pang kriminal: “Wala ka bang pitagan sa Diyos, ikaw na gayon ding pagdurusa ang dinaranas? At bagay ito sa atin sapagkat tinatanggap lamang natin ang nararapat sa ating mga ginawa. Ngunit wala naman siyang nagagawang masama.” At sinabi pa niya: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” Sumagot si Jesus: “Talagang sinasabi ko sa iyo: sa araw ring ito, makakasama kita sa Paraiso.”
PAGNINILAY:
Nagsimula ang pagdiriwang ng maringal na Kapistahan ni Kristong Hari noong ika-labing-isa ng Disyembre, taong Isang Libo Siyam na raan dalawampu’t Lima, ayon sa ensiklikal na Quas Primas ni Papa Pio XI (labing-isa). Isinulat ang ensiklikal na ito matapos ang Unang Digmaang Pandaigdig. Ipinahayag sa ensiklikal na si Jesukristo ang ating tunay na hari at tagapagligtas ng sanlibutan, ang tunay na pinagmumulan ng batas ng pag-ibig. Isinaad sa ensiklikal na ito na bagamat tapos na ang digmaan, hindi pa rin nakakamtan ng mundo ang ganap na kalayaan at kapayapaan. Patunay sa paniniwalang ito ang mga digmaan, kaguluhan at karahasang nagaganap pa sa iba’t ibang panig ng mundo, na nagdudulot sobrang paghihirap at pasakit sa mga tao. Binigyang-diin sa ensiklikal ang dahilan kung bakit ganuon pa rin ang kalagayan ng mundo. Ang ilang posibleng dahilan ay ang paglimot ng tao kay JesuKristo na siyang tunay na maghahatid ng inaasam na kapayapaan, na siyang huwaran ng pagiging isang tunay na Hari at siyang magpapatupad ng pinakamahalagang batas ng pag-ibig. Ano ba ang batas ng pag-ibig na ipinatutupad ni Kristo? Sa ebanghelyo, binibigyang-diin ang isang magandang halimbawang ipinamalas ni Jesukristo bilang tunay na Hari. Ito ang tagpo kung kailan si Jesus, nakabayubay sa Krus. Isang kabalintunaan kung iisipin na ang hari, pinarusahan at ipinako sa krus. Pero ang tunay na paghahari, Kanyang ipinamalas sa Kanyang kababaang-loob at pagmamalasakit sa kapwa. Oo, kapwa muna ang pinagmalasakitan ng tunay na Hari bilang pagpapatunay na rin ng Kanyang pagmamahal sa Kanyang Ama. – Sr. Lines Salazar, fsp
PANALANGIN:
O Panginoong Jesus, Hari ng sanlibutan at ng aming buhay, loobin Mo pong lumago kami sa pag-ibig, kababaang loob at tunay na malasakit sa kapwa. Amen.