Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 25, 2019 – LUNES SA IKA-34 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: LUCAS 21:1-4

Tumingin si Jesus at may mayayaman na naghuhulog ng kanilang abuloy sa kabang-yaman. At nakita rin niya ang isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya. At sinabi niya: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng dukhang biyudang ito. Naghulog nga silang lahat sa kabang-yaman mula sa sobra nila pero inihulog naman niya mula sa kanyang kasalatan ang buo niyang kabuhayan.”

PAGNINILAY:

Kung bibili ka ng regalo sa taong pinaka-espesyal sa’yo, bibili ka ba ng mumurahin o yung pinakamahal na, kahit pa lumampas sa budget mo? Kung may isang tao kang gustong ma-impress, ipapakita mo ba ang kahinaan mo o yung best effort mo? Kapag nagbigay ka ng relief goods, ibibigay mo ba yung magagamit mo pa o yung patapon na talaga? Natatandaan ko noon ang kwento ng Mommy ko. Sumama sya sa isang grupo na naghatid ng relief goods sa Zambales. Katatapos lang kasi iyon ng pagsabog ng Mt. Pinatubo. Hindi nya malaman kung matatawa o malulungkot sa nadatnan nilang suot ng mga Katutubong Aeta. May ilang naka-gown, na akala mo ay aattend ng JS Prom o magsasagala sa Santacruzan. Mga kapanalig, sana kung magbibigay tayo, yung angkop sa kalagayan ng mga taong pagbibigyan natin, yung maisusuot o magagamit nila sa pang-araw-araw nilang pamumuhay, yung mararamdaman pa rin nila ang dignidad sa kabila ng kahirapang nararanasan nila. Sa Ebanghelyo natin ngayon, pinuri ni Jesus ang generosity ng biyuda dahil bagamat barya lang sa paningin ng ibang tao ang kanyang inihulog, iyon na ang buo niyang kabuhayan. Kalakip ng pag-aalay na iyon ang pananampalataya at pagtitiwala na hindi siya pababayaan ng Diyos. Mga kapanalig, tunay na hindi mahihigitan ang generosity ng Panginoon. Anumang ibigay nating tulong sa ating kapwa, ibabalik yun sa atin ng Diyos nang higit sa kung ano ang ibinigay natin. Kung sa opisina o sa eskwela, naibibigay natin yung 100% effort natin, sana sa Diyos ganun din. – Vhen Liboon 

PANALANGIN:

Panginoon, salamat sa lahat ng biyayang ipinagkaloob ninyo sa amin. Lagi nawa naming maalala na mula sa inyo ang anumang meron kami ngayon. Iniaalay namin sa inyo ang araw na ito. Maging instrumento nawa kami ng inyong kabutihang-loob sa kapwa naming higit na nangangailangan. Amen.