EBANGHELYO: LUCAS 21:5-11
May ilang nag-uusap tungkol sa Templo, at sinabi nila na may magagandang bato ito at mamahaling palamuti. Sinabi naman ni Jesus: “Darating ang mga araw na walang matitirang magkapatong na bato sa lahat ng inyong nakikita; iguguho ang lahat.” Nagtanong sila sa kanya: “Guro, kailan ito mangyayari at ano ang tanda na sumapit na ito?” Sumagot si Jesus: “Mag-ingat kayo at baka kayo madaya. Maraming aangkin sa aking pangalan sa pagsasabing ‘Ako ang Mesiyas; ako siya,’ at ‘Palapit na ang panahon.’ Huwag kayong sumunod sa kanila. Sa pagkabalita n’yo sa digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong maligalig; mangyayari muna ito pero hindi pa ito ang wakas.” At sinabi niya sa kanila: “Magdidigmaan ang mga bayan at naglalaban-laban ang mga kaharian. Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa maraming lugar, magkakaroon ng taggutom, magkaroon ng mga kakila-kilabot na bagay at ng malalaki ring kababalaghan sa Langit.”
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, tila tumutugma sa nagaganap ngayon ang sinabi ng Panginoon. Marami sa atin ang natatakot. Pero Siya mismo ang nagsabi na hindi tayo dapat mabalisa dahil hindi sa ganito magwawakas. Tanda lang daw ito ng pangangailangan nating maghanda. Marami pang pagsubok na darating. Marami pang pasakit tayong pagdaraanan. Baka mas higit pa. At habang naghahanda tayo, iniaalok Niya ang Kanyang tulong para magbigay sa atin ng sapat na lakas at karunungan na magiging sanggalang natin sa lahat ng mga kaaway. Hinihimok rin Niyang pagyamanin natin ang ating pananampalataya sa Kanya para anumang paghihirap ang makaharap natin, anumang gulo ang mangyari, at sinumang magpanggap na mesiyas na kakatok sa ating bahay, hindi tayo mangangamba. Walang ngang nakakaalam kung kailan ang ganap na araw, pero kung ngayon pa man, tinatanggap na natin ang Panginoong Jesus sa ating buhay, hindi na tayo kailangang tumingin pa sa malayo, hindi na rin tayo makikinig pa sa ibang hungkag na tinig dahil kilala na natin Siya. Kahit kailan, kahit saan, handa na tayo. Amen. – Sr. Lines Salazar, fsp