Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 6, 2019 – BIYERNES SA UNANG LINGGO NG ADBIYENTO

EBANGHELYO: MATEO 9:27-31

Pag-alis ni Jesus sa bayan ng Capernaum, sumunod sa kanya ang dalawang bulag na lalaki na sumisigaw: “Anak ni David, tulungan mo kami!” Pagdating niya sa bahay, inabutan siya ng mga bulag at sinabi ni Jesus sa kanila: “Naniniwala ba kayo na may kapangyarihan ako para gawin ang gusto ninyong mangyari?” At sumagot sila: “Oo, Ginoo!” Hinipo ni Jesus ang kanilang mga mata at sinabi: “Mangyari sa inyo ang inyong paniniwala.” At nabuksan ang kanilang mga mata. Mahigpit naman silang tinagubilinan ni Jesus: “Mag-ingat kayo at huwag sabihin ito kanino man.” Ngunit pagkaalis nila, ipinahayag nila siya sa buong bayan. 

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Bro. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Hindi ko maisip na ako’y magiging bulag. Siguro’y napakahirap maging bulag.  Minsan kong nabasa ang kwentong ito na may pamagat na “Attitude Matters” Minsan may isang ibon na nagtanong sa isang bubuyog, “matapos ang mabigat mong pagtatrabaho para lamang maka-gawa ng honey o pulot-pukyutan,kinukuha lamang ito ng mga tao ng basta-basta?! Hindi ka ba nalulungkot?” Sumagot ang bubuyog: “Hindi. Kasi,  pulot-pukyutan lamang ang kanilang kayang kunin, pero kailanma’y hindi nila maagaw ang paraan ng paggawa ng pulot-pukyutan.”  Totoo nga naman- “Attitude Matters.”Maaring agawin ng buhay ang paningin ng dalawang lalaki sa Ebanghelyo pero kailanma’y hindi kayang agawin sa kanila ang matibay at matayog nilang pananampalataya sa Diyos. Hinahamon tayo ng ating Ebanghelyo na muling suriin ang ating mga sarili. Kamusta na ba ang mata ng ating pananampalataya? Kaya pa ba nitong tumanaw, tumingin at makakita ng magagandang bagay sa gitna ng tila ba sawa-sawali nating buhay? Pag tayo’y masyadong naka-focus sa hirap, pasakit, pag-aalala at mga suliranin, mapapagod tayo at mabubulag nang mga ito. Mga kapatid, sa ating pagkalugmok hayaan nating humingi tayo sa Diyos ng tulong. Dahil, handa lagi ang kanyang mga kamay na magpagaling upang kahit nasa gitna tayo ng gulo at pangamba unti-unti nating makikita ang liwanag na hatid ni Hesus, gayundin ang mga mumunting milagrong patuloy niyang ginagawa sa ating mga buhay. Tunay ngang ‘di lamang Attitude Matters, kundi Faith-Attitude Matters!