Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 17, 2019 – MARTES SA IKA-3 LINGGO NG ADBIYENTO

EBANGHELYO: Mt 1:1-17

Ito ang libro ng pinagmulan ni Jesucristo, anak ni David at anak na Abraham. Si Abrahan ang ama ni Isaac, si Isaac ang ama ni Jacob, si Jacob ang ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid…. Si Jese ang ama ni Rehoboam, na ama ni Abias at sumunod naman ang mga haring sina Asa, Yosafat, Yoram, Ocias, Yoatan, Ahaz, Ezekias, Manases, Amon at Yosias. Si Yosias ang ama ni Yekonias at ng kanyang mga kapatid, sa panahon ng pagkatapon sa Babilonia. Pagkatapos naman ng pagkatapon sa Babilonia—si Yekonias ang ama ni Salatiel na ama ni Zorobabel. Si Zorobabel ang ama ni Abiud, si Abiud ni Eliakim, at si Eliakim ni Azor. Si Azor ang ama ni Sadok, si Sadok ni Akim, at si Akim ni Eliud. Si Eliud ang ama ni Eleazar, si Eleazar ni Matan at si Matan ni Jacob. Si Jacob ang ama ni Jose—ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo. Kaya may labing apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David sa pagkatapon sa Babilonia. At labing apat din hanggang sa Kristo.

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Sa narinig nating Ebanghelyo, hindi pala ang mga pangalan ng lahing pinanggalingan ni Jesus and mahalaga, kundi kung ano ang kanilang naging buhay. Sa aking pagninilay, na-realize ko na hindi perfect ang lahing pinanggalingan ni Jesus. Nandiriyan si haring David, na nakiapid sa asawa ni Urias na kanilang mandirigma. At hindi lang yan, ipinapatay pa niya si Urias sa digmaan. Si Juda naman, sangkot sa kasalanang “idolatry at immorality”, at marami pang iba. Bakit hindi perfect ang lahi ni Jesus? Ipinapahiwatig nito na ang tao, may kakayahang magpasya sa kanyang sarili. Sa Diyos ba tayo o sa kaaway? Kung umiwas tayong magpasya na sundin ang kalooban Niya, mangingibabaw pa din sa atin ang pagiging mga anak ni Eva, mahina, makasarili at malayo ang kalooban sa Diyos. Pero sa kabila ng ating kahinaan, ang mahalaga, matuto pa rin tayong humingi ng awa at habag ng Diyos.  Totoong hindi perfect ang pamilya natin! Pero sa tulong at habag ng Diyos maaari itong maging maayos kung ating nanaisin at kung magtutulungan ang bawat miyembro ng pamilya.  Amen.