Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 19, 2019 – HUWEBES SA IKA-3 LINGGO NG ADBIYENTO

PAGNINILAY: Lk 1:5-25

Sa kapanahunan ni Herodes na hari ng Judea, may isang paring nagngangalang Zacarias, mula sa pangkat ni Abias. Mula rin sa lahi ni Aaron ang kanyang asawa na Elizabeth ang pangalan. Kapwa sila matuwid sa harap ng Diyos at namumuhay nang wlang kapintasan ayon sa lahat ng batas at kautusan ng Panginoon. Ngunit wala silang anak dahil baog si Elizabeth at kapwa matanda na sila. Minsan, habang naglilingkod si Zacarias sa harap ng Diyos nang turno pa ng kanyang pangkat…kaya sa oras ng pag-aalay ng insenso habang nananalangin ang buong bayan sa labas, nagpakita sa kanya ang anghel ng Panginoon, nakatayo sa gawing kanan ng altar ng insenso. Naligalig si Zacarias at sinidlan ng takot pagkakita rito. Ngunit sinabi sa kanya ng anghel: “Huwag kang matakot, Zacarias; dininig na ang iyong panalangin. Ipanganganak sa iyo ng asawa mong si Elizabeth ang isang anak na lalaki, at pangangalanan mo siyang Juan.”Magiging ligaya at tuwa mo siya, at marami rin ang magagalak dahil sa kanyang pagsilang. Magiging dakila nga siya sa harap ng Panginoon. … Sinabi naman ni Zacarias sa anghel: “Paano ko ito natitiyak? Matanda na nga ako at may katandaan na rin ang aking asawa.” Sumagot ang anghel at sinabi sa kanya: “Ako si Gabriel na nasa harap ng Diyos. Ako ang sinugo sa iyo para kausapin ka’t ihatid ang magandang balitang ito. Matutupad sa takdang panahon ang aking mga salita; ngunit ikaw na di naniniwala ay magiging pipi at di makapagsalita hanggang sa araw na mangyari ang mga ito.” Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod, umuwi si Zacarias. At pagkaraan ng mga araw, nagdalantao ang asawa niyang si Elizabeth ngunit limang buwan itong di lumabas ng bahay at sinabi: “Ito’y gawa ng Panginoon! Ipinasya niyang alisin ang kahihiyan ko sa paningin ng mga tao.” 

PAGNINILAY:

Dalawang mahahalagang aral ang mapupulot natin sa Mabuting Balita ngayon.  Una, biyaya pala ang tila parusa ng Langit… Kahit sinisikap nating mamuhay ng kalugod-lugod sa Diyos at sumunod sa Kanyang mga utos, nakakaranas pa rin tayo ng mga problema at pagsubok sa buhay.  Pero, kung positibo ang ating pananaw, makikita natin na ang mga pagsubok na ito ang nagpapatatag sa ating pananampalataya at pag-asa.  Magtiwala lamang tayo sa kagandahang loob ng Diyos na hindi Niya tayo susubukin nang higit sa ating makakaya.  Ikalawa, hindi pa huli ang lahat.  Madalas nating marinig, habang may buhay, may pag-asa. Totoo po ito! Habang hindi natin isinusuko ang laban para sa mabuti, may magandang kahihinatnan ang ating mga pagsisikap sa tulong ng Diyos. Sa Ebanghelyo ngayon, ginamit ng Diyos sina Zacarias at Elizabeth sa kabila ng kanilang katandaan upang makibahagi sa Kanyang dakilang plano. Mga kapatid, maging bukas nawa tayo sa plano ng Diyos sa atin kahit dumarating itong tila parusa ng Langit, o huli na – dahil laging perfect timingkung kumilos ang Diyos.  He knows best! Tiwala lang! Amen.