Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 28, 2019 – SABADO | Kapistahan ng mga Banal na Sanggol na walang Kamalayan

EBANGHELYO: Mt 2:13-18

Pagkaalis ng mga pantas, nagpakita kay Jose ang Anghel ng Panginoon sa panaginip at sinabi: “Bumangon ka, dalhin ang sanggol at ang kanyang ina at tumakas pa-Ehipto. Manatili ka roon hanggang sa tawagin ko kayo. Hahanapin nga ni Herodes ang sanggol para patayin.” Bumangon si Jose, at nang gabi ring iyo’y dinala ang sanggol at ang ina nito sa Ehipto. Doon sila nanirahan hanggan mamatay si Herodes. Sa ganito natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto.” Nagalit naman si Herodes nang malaman nito  na napaglalangan siya ng mga pantas. Kaya iniutos niyang patayin ang lahat ng mga batang lalaki sa Betlehem at mga karatig nito, mga batang may dalawang taong gulang pababa, batay sa panahon ng pagsikat ng tala ayon sa mga pantas. Kaya nagkatotoo ang sinabi ni Propeta Jeremias: “Narinig sa Rama ang pagtangis, iyakan, at malakas na panaghuyan: iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak at ayaw pagkat wala na sila.”

PAGNINILAY:

Nagsisimula ang buhay na handog ng Panginoon sa sinapupunan ng isang ina.  Samakatuwid, ang Diyos na pinagmumulan ng buhay, ang tanging may karapatang bumawi ng buhay na Kanyang ipinagkaloob.  Kaya isang karumaldumal na krimen ang ginawang pag-uutos ni Herodes na patayin ang mga inosenteng sanggol.  Bukod sa masidhing pighati at hirap ng loob na idinulot nito sa mga ina, napakabigat na kasalanan din ito sa harap ng Panginoon.  Sa panahon ngayon, patuloy pa rin ang pagkitil sa mga inosenteng sanggol. Utos na nanggagaling hindi na kay Herodes, kundi mismong sa mga ina na nagdadalantao, o sa boyfriend na ayaw panagutan ang kanyang ginawa, o sino mang nag-udyok sa babaeng buntis na ipalaglag ang bata. May alam akong kuwento, na isang lola ang nag-utos sa kanyang apo na ipalaglag ang batang dinadala sa takot na mapagbuntunan ng sisi ng ina nito. Third year high school pa lang kasi ang kanyang apo, at iniwan ito sa kanya ng kanyang anak, nang magtrabaho ito bilang isang OFW. Mga kapatid, napakarami pang kuwentong katulad nito, na dahil sa iresponsableng pagtatalik, ng mga kabataan man, o mga may asawang nagtataksil ang nauuwi sa pag-papaabort. At ito’y isang napakalaking kasalanan sa Diyos na Maylikha sa atin. Hindi maaaring solusyunan ng isa pang kasalanan ang kasalanang nagawa na.  Kaya para di tayo magsisi sa huli, pag-isipang mabuti ang ating mga desisyon. Huwag padadala sa bugso ng damdamin at udyok ng laman, magdasal para makaiwas sa tukso at huwag ibubulid ang sarili sa tukso. Nang sa gayon, matigil na ang pagbuwis ng buhay ng mga inosenteng sanggol na wala namang kinalaman sa kasalanan ng kanilang magulang. Amen.