EBANGHELYO: JUAN 1:19-28
Ito ang pagpapatotoo ni Juan, nang suguin sa kanya ng mga Judio mula sa Jerusalem ang ilang mga pari at mga Levita para tanungin siya: “ Sino ka ba?” Sinabi niya ang katotohanan at di ipinagkaila; kanya ngang sinabi: “ Hindi ako ang Kristo.”Nagtanong naman sila sa kanya:” Ano ka kung gayon? Si Elias ka ba?” At sinabi: “Hindi.” Ang propeta ka ba?” Isinagot naman niya: “Hindi” Kaya sinabi nila sa kanya: “ Sino ka ba? Para may maisagot kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ba ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?”Binanggit niya ang sinabi ni Propeta Isaias, at kanyang sinabi:“Ako ang ‘tinig ng sumisigaw sa ilang, “ tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon.” At kanilang itinanong sa kanya: “ At bakit ka nagbibinyag kung hindi ikaw ang Kristo, ni si Elias, ni ang Propeta?” Sumagot si Juan sa kanila: “ Sa tubig lang ako nagbibinyag, ngunit kasama naman ninyo siyang nakatayo na hindi pa ninyo nakikilala. Dumating siyang kasunod ko pero hindi ako karapat-dapat na magkalag ng panali ng kanyang panyapak.”Sa Betaraba nangyari ang mga ito, sa kabilang ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Fr. JK Malificiar ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Sino ka? Marami sa atin, hindi kilala ang tunay na sarili. Marami ang mapagkunwari! – Mabilis umangkin ng pangalan o titulo ng iba para lamang sumikat. Marami rin ang nagkakaroon ng ilusyon na sila ang Diyos, ang Hari ng Sanlibutan. Kilala ni Juan Bautista ang kanyang sarili. Malalim ang ugnayan niya sa Diyos na nananahan sa kanyang puso at isipan. Kaya sa ebanghelyo, totoo ang kanyang mga sinasabi sa kanyang mga taga-usig. Hindi siya ang Kristo. Hindi siya ang Salita. Kundi, isa lamang siyang tinig na sumisigaw sa ilang. Mga kapanalig, iniibig tayo ng Diyos. Mahalaga tayo sa kanya. Ito ang malalim na katotohanan tungkol sa ating pagkatao. Ang Pasko ay isang patunay na tapat ang pag-ibig ng Diyos sa tao. Kahit na hindi tayo karapat-dapat, nangyari ang Pasko. Maging kumbinsido nawa tayo sa pag-ibig na ito. Tanggapin natin ito ng may kababaang-loob. Nang sa gayon, hindi na kailangan magkunwari o umangkin ng mga titulo para lamang makilala o sumikat. Ang pag-ibig ng Diyos ay sapat na. Amen.