EBANGHELYO: MARCOS 6:34-44
Nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila ng matagal.Nang humapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: “Paalisin mo sila ng makapunta sila sa mga nayon at bukid sa paligid at makabili ng kani-kanilang makakain.”Ngunit sumagot si Jesus sa kanila: “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Sinabi naman nila: “At kami pa pala ang bibili ng tinapay – dalawandaang denaryo di ba? At bibigyan namin sila.” Ngunit sinabi niya: “Ilang tinapay mayroon kayo? Sige, tingnan ninyo.” At pagkatingin nila ay kanilang sinabi: “Lima at may dalawa pang isda.”Kaya inutos niya sa kanila na paupuin nang grupo-grupo ang makapal na tao sa berdeng damuhan. At naupo silang grupo-grupo, tigsasandaan at tigililimampu. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa Langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ibigay din nila sa mga tao. Gayundin naman, hinati niya ang dalawang isda.At kumain silang lahat at nabusog, at tinipon nila ang mga natirang pira-piraso- labindalawang punong basket ang mga piraso ng tinapay pati na ang mga piraso ng isda. Mga limanlibong lalaki ang napakain.
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. “Ang lahat ay nakakain hanggang sa mabusog”. Mula sa limang tinapay at dalawang isda, nabusog ang limang libong lalaki, di pa diyan kasama ang mga babae at bata. Isang himala! Naranasan ko po ito noong Campus Ministry Coordinator pa ako sa Naga City. Sinamahan ko ang aming mga mag-aaral na dumalo sa Parish Youth Day. Dahil maraming kabataan ang dumalo, di sapat ang midnight snacks na handa para sa mga dumalo. Inilabas ng Youth Director ang ilang karton ng tinapay, inilagay sa mesa at inanyayahan ang mga may baon na ilabas din ang mga baon nila. Napuno ang mesa ng mga pagkain. Nakakain kaming lahat at nabusog at marami pa ang natira. Namangha ako sa aking nasaksihan. Tunay nga na kung ang lahat ay magbabahagi, walang magugutom. Ito ang himala sa puso ng handang magbahagi para sa kapwa.