Daughters of Saint Paul

ENERO 9, 2020 – HUWEBES PAGKARAAN NG EPIFANIA

EBANGHELYO: LUCAS 4:14-22

Nagbalik si Jesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Espiritu at lumaganap sa buong kapaligiran ang balita tungkol sa kanya. Kinaugalian niyang magturo sa kanilang mga sinagoga, at pinupuri siya ng lahat.Pagdating niya sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian.  Tumindig siya para bumasa nang Kasulatan, at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias.Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako  upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.”Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo.  At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga.  Sinimulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan ang Kasulatan ito ngayon habang nakikinig kayo.”At sumang-ayon silang lahat sa kanya habang nagtataka sa gayong pagpapahayag ng kabutihang-loob ng Diyos na nanggaling sa kanyang bibig.  At sinabi nila: “Hindi ba’t ito ang anak ni Jose?”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Bawat isang tao, may istorya ng buhay. Bawat isa sa atin, may misyon na gagampanan. Hindi madaling tuklasin ang ating misyon. Hindi madaling maunawaan ang mga pangyayari sa ating buhay. Pero kung hihingi tayo ng gabay at mananalangin, matutuklasan natin ang kahulugan kung bakit tayo umiiral dito sa mundo.   Kung isa kang ama ng tahanan, pagmasdan mo ang iyong asawa at mga anak… Isipin mo, na sila ang iyong misyon – isinilang ka para sa kanila. Kung isa kang ina, gayon din ang gawin mo, pagmasdan ang iyong asawa at mga anak pag natutulog, at isipin mo na sila ang iyong misyon – isinilang ka para sa kanila. Sa Ebanghelyo ngayon, noong binuksan ni Hesus ang aklat ng kasulatan at binasa ang aklat ni Propeta Isaias, ipinahayag Niya ang dakilang plano ng Ama para sa kanya. Na siya’y pinahiran upang ihatid ang Mabuting Balita sa mga dukha, palayain ang mga bihag, makakita ang mga bulag, kapayapaan sa mga pusong sinisiil at ipahayag ang pagliligtas. Mga kapatid, maging tapat nawa tayo sa misyong ipinagkatiwa sa atin ng Diyos. 

PANALANGIN:

Panginoon, kung aasa ako sa aking sariling lakas, wala akong magagawa. Dumudulog po ako sa Iyo upang magampanan ko ang misyong ipinagkaloob Mo sa akin. Amen.