Daughters of Saint Paul

ENERO 12, 2020 – KAPISTAHAN NG PAGBIBINYAG SA PANGINOON

EBANGHELYO: MATEO 3:13-17

Dumating si Jesus mula sa Galilea at lumapit kay Juan sa Ilog Jordan para magpabinyag.  Pero tumanggi si Juan at sinabi: “Ako ang dapat na magpabinyag sa iyo, Bakit ikaw ang lumapit sa akin?”Ngunit sumagot sa kanya si Jesus: “Hayaan mo.  Ganito natin tutuparin ang makatarungang plano ng Diyos. “Kaya sumang-ayon si Juan.  Matapos mabinyagan, umahon si Jesus mula sa tubig.  At agad na nabuksan ang Langit at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababang parang kalapati at pababa sa kanya.  Narinig kasabay nito ang boses mula sa Langit na nagsabi: “Ito ang aking anak, ang Minamahal, siya ang aking Hinirang.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Fr. JK Malificiar ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Alam n’yo ba kung kailan kayo bininyagan? February 15, 1982. Ito ang araw na natanggap ko ang Sakramento ng Binyag. Lahat ng tao ay may handa dahil ito rin ang araw ng kapistahan ng aming bayan. Mga kapatid,mahalagang alam natin ang araw kung kailan tayo bininyagan. Maraming biyaya ang ating tinatanggap sa Diyos dahil sa sakramentong ito. Sa Sakramento ng Binyag, tayo’y ipinanganak muli sa Espiritu Santo. Nang ipinanganak tayo sa Espiritu, naging miyembro tayo ng pamilya ng Diyos, naging anak tayo ng Diyos. At katulad ni Hesus, meron na tayong karapatan para tawaging Ama ang Diyos. Ang binyag din ang unang Sakramento ng Pagtanggap: ito ang nagsisilbing basehan ng buhay Kristiyano, nagbubukas ng pintuan para mabuhay tayo kasama ng Banal na Espiritu at nagiging pintuan para matanggap natin ang iba pang sakramento ng simbahan. Kaya, kailangan muna nating mabinyagan bago tayo makatanggap ng sakramento ng kumpil, bago magkumpisal sa pari, makatanggap ng komunyon at makasal sa simbahan. Sa Sakramento ng Binyag, itinalaga tayo ng Diyos. Tinanggap natin ang ispiritwal na tanda na tayo’y pag-aari ni Kristo. Meron na rin tayong personal na ugnayan sa Panginoon. Nagkakaroon tayo ng panibagong buhay, isang radikal na pagbabago ng pagiging matapat kay Hesus. Bilang panghuli, ang Sakramento ng Binyag ay hindi isang pagtanggap o pagpasok sa isang ekslusibo at mayaman na organisasyon.  Gayunpaman, nakikiisa tayo sa bawat miyembro ng simbahan. At sa tulong ng Banal na Espiritu, hinihikayat tayong mga binyagan na mamuhay katulad ni Kristo: na puno ng pagmamahal at malasakit, lalong- lalo na sa mga nawawala, mahihina, at mahihirap nating kapwa.  Amen.