EBANGHELYO: MARCOS 1:29-39
Pagkaalis niya sa sinagoga, tumuloy si Jesus sa bahay nina Pedro at Andres, kasama sina Jaime at Juan. Doo’y nakahiga ang biyenan ni Pedro at may lagnat, at agad nila itong sinabi kay Jesus. Kaya lumapit siya hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Iniwan ng lagnat ang babae at ito mismo ang naglingkod sa kanila.Pagkalubog ng araw, nang dumilim na, dinala nila kay Jesus ang lahat ng maysakit o inaalihan ng masamang espiritu. Nasa may pintuan nga ang buong bayan. Maraming may iba’t ibang sakit ang pinagaling ni Jesus at maraming demonyo ang kanyang pinalayas; ngunit hindi niya sila pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila kung sino siya.Kinabukasan, maaga siyang bumangon at umalis. Pumunta siya sa isang ilang na lugar at doon siya nanalangin.Hinanap siya nina Pedro, at pagkakita sa kanya ay kanilang sinabi: “Hinahanap ka ng lahat.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “Tayo na sa ibang lugar, sa maliliit na karatig-nayon para makapangaral din ako roon; dahil dito kaya nga ako lumabas.” At naglibot siyang nangangaral sa kanilang mga sinagoga sa buong Galilea at nagpapalayas ng mga demonyo.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Naitanong nyo na ba sa inyong sarili kung bakit ayaw ni Jesus na pagsalitain ang mga demonyo na kanyang pinalalayas sa katawan ng kanyang mga ginagamot? Sabi sa v. 34, “ngunit di Nya pinahintulutang magsalita ang mga demonyo sapagkat nalalaman nila kung sino Sya”. Ayon sa mga biblical scholar, ito ang tinatawag na Messianic secret. Ayaw muna ni Jesus na ipagsabi kung sino siya dahil hindi rin naman lubos na mauunawaan ng mga tao ang tunay na kahulugan ng kanyang pagiging Mesiyas. Kapag napako na Siya sa krus at muling nabuhay, doon pa lamang nila mauunawaan ang tunay na kahulugan ng pagiging Mesiyas ni Jesus. Mga kapatid, gaano na ba kalalim ang pagkakakilala natin sa Diyos? Ikinatutuwa kaya Nya ang ating mga pahayag tungkol sa kanya o gaya rin tayo ng kanyang mga alagad at mga taong pinagaling na mas mabuti pang manahimik na lang muna dahil baka mali pa ang ating masabi tungkol sa kanya? Gayahin natin si Jesus, kahit gaano pa Sya kaabala sa buong maghapon, may oras pa ring siyang laan para sa pakikipag-usap sa Diyos Ama dahil habang nakikilala natin ang Diyos, higit din nating nakikilala ang ating sarili.
PANALANGIN:
Panginoon, hangad ko pong makilala pa kayo ng lubusan upang makapagpatotoo ako Sa’yong buhay na pananatili sa kasalukuyang mundo, Amen.