Daughters of Saint Paul

ENERO 17, 2020 – BIYERNES SA UNANG LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: MARCOS 2:1-12

Pagkaraan ng ilang araw, pumasok si Jesus sa Capernaum. Nang mabalitang nasa bahay siya, marami ang nagtipon doon kaya wala nang lugar kahit sa may pintuan. At ipinahayag niya ang Salita. May mga tao namang dumating at dinala sa kanya ang isang paralitiko, na buhat-buhat ng apat.At nang hindi sila makalapit kay Jesus dahil sa dami ng tao, inalis nila ang mga tisa ng terasang nasa ibabaw ng kinaroroonan ni Jesus at pagkabukas nila nito, inihugos nila ang paralitikong nasa higaan.Nang makita ni Jesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan!”May ilang guro ng Batas naman na nakaupo roon at inisip nila: “Ano itong sinasabi niya?Talagang iniinsulto niya ang Diyos. Sino ba ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan? Hindi ba’t ang Diyos lamang?”At agad na nalaman ni Jesus sa kanyang espiritu na ganoon ang kanilang mga niloloob na kaisipan. Kaya sinabi niya sa kanila: “Ano ang mga kaisipan n’yong ito? Ano ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘ Tumayo ka, kunin ang iyong higaan at lumakad’? Dapat n’yong malaman na sa lupa ay may kapangyarihan ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.”At sinabi niya sa paralitiko: “Iniuutos ko sa iyo: bumangon ka, dalhin ang iyong higaan at umuwi.” At bumangon nga ang tao, agad na kinuha ang higaan at lumabas na nakikita ng lahat.Lubhang namangha ang lahat at nagpuri sila sa Diyos sa pagsasabing “Kailanma’y hindi pa kami nakakakita ng ganito.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Ang tunay na kaibigan, maituturing na isang kayamanan. Sa aking karanasan, hindi kailangan na ang isang kaibigan, laging nasa tabi mo kung may kailangan ka. Ang tunay na kaibigan, yaong tao na matututo kang lumago bilang isang tao. Siya ang taong may kakayahang pagsabihan ka ng mali mong nagawa o ginawa. Sa aking pagninilay, masasabi ko na kaibigan ng paralitiko ang apat katao na nagdala sa kanya kay Hesus. Dahil sa kagustuhan nilang gumaling ang paralitiko, hindi sila nag-atubiling ilapit ito kay Hesus, kahit na nga mangahulugan ito ng pagbutas ng bubong. Nakita ni Hesus ang laki ng kanilang pananalig, at ito ang naging dahilan kung bakit napagaling ni Hesus ang paralitiko. Mga kapatid, pagyamanin natin ang ating pakikipag kaibigan sa pamamagitan ng matapat na samahan. Ang kaibigan, tunay na kayamanang maituturing. Mapalad tayo kung ipinagkaloob ito sa atin ng Diyos.  

PANALANGIN:

Panginoon, kayo po ay may mga kaibigan ding itinuring. Salamat po sa mga kaibigan na ibinigay mo sa akin. Dalangin ko po na lagi mo po silang pagpalain at bigyan ng magandang kalusugan. Amen.