Daughters of Saint Paul

ENERO 19, 2020 – IKALAWANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (A) | Kapistahan Ng Mahal Na Sto. Nino

EBANGHELYO: MATEO 18:1-5,10

Lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa Kaharian ng Langit?” Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo: hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging tulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa Karihan ng Langit. At tinatanggap naman ako ng sinumang tatanggap sa batang ito nang dahil sa aking pangalan. Huwag sana n’yong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.”

PAGNINILAY:

(Isinulat ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.) Viva, Sto. Nino. Viva!!! “Ito ang sigaw ng maraming Filipino kapag sumasapit ang pistang ito. Viva!!! Ang salitang Viva ay salitang kastila at Italian na ang ibig sabihin ay buhay o mabuhay! Ang bawat sigaw ay hindi lamang nagbibigay papuri at pasasalamat sa Diyos kundi rin ang hamunin ang ang ating sarili na iVIVA, buhayin ang mensahe ng Sto. Nino sa buhay. Tayong mga Pilipino ay likas na mapagmahal sa mga bata. Magaan ang ating loob sa kanila. Kaya nga’t (sabi ng kapit bahay namin) hindi nakakagulat na isa tayo sa bansang napakarami ang populasyon. Sabi pa ng iba, Mas maraming anak… mas masaya! Bahala na kung papaano sila papakainin at bubuhayin! Naku wag naman, still be responsible…Anyway, kaya siguro malapit sa ating puso ang Kapistahan ng Sto. Nino dahil sa bawat mukha ng maraming bata ay nakikita natin ang mukha ng batang Hesus!  Makahulugan ang mga salitang binitawan ni Hesus sa Ebanghelyo. Hindi siya nagbibiro ng sabihin niyang: “Hanggang hindi kayo natutulad sa mga bata, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng langit.” (Mt. 18:10) Hindi niya nais na mag-isip bata tayo. Bagkus nais niyang iVIVA, maisabuhay natin ang natatanging katangian ng isang bata: Una, ang kababang-loob. Hindi ugali ng mga bata ang magpasikat. Ang matatanda pa nga kung minsan ang natutulak sa batang maging makapal ang mukha! At ikalawa, ang katangiang magtiwala. Panatag ang kalooban ng isang bata dahil alam n’yang hindi siya iiwan ng kanyang magulang. 

PANALANGIN:

Panginoon, sa aming pagdiriwang ng iyong kapistahan, muli ninyo kaming pinaalalahanan na iVIVA, isabuhay nawa namin ang dalawang katangian ng bata: ang pagpapakumbaba at pagtitiwala sa yo. At kung gagawin namin ito hindi kami malalayo sa iyong kaharian. Ikaw na mismo ang nagsabi, sa mga kataulad nila naghahari ang Diyos!” Amen.  Viva Sto. Nino!