EBANGHELYO: MARCOS 3:7-12
Lumayo si Jesus na kasama ang kanyang mga alagad papunta sa dagat. Maraming taga-Galilea ang sumunod sa kanya.Mayroon din namang mga taong galing sa Judea at Jerusalem, at sa Idumea at sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa Tiro at Sidon. Maraming-marami ang nagpunta sa kanya ng mabalitaan nila ang lahat niyang ginagawa.Kaya tinagubilinan niya ang kanyang mga alagad na ihanda ang isang bangka para sa kanya dahil maraming tao, at baka nila siya maipit. Marami na siyang pinagaling kaya pilit siyang inaabot ng lahat ng may karamdaman para mahipo siya.
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, ang makapal na taong hindi mapigilang lumapit kay Jesus, nagpapahiwatig na marami na ang nakakikita ng Kanyang kapangyarihan. Kahit na saan Siya magpunta – sa pampang man, sa bundok, at kahit sa kalye – sinusundan Siya ng mga tao, hinahanap, dahil nangangailangan sila ng awa. Dahil dito, hindi sila binigo ng Panginoon! Kahit kaunting dampi lang Niya sa kanila, gumiginhawa na ang kanilang pakiramdam at nalulunasan na ang kanilang karamdaman. Minsan pa nga, hindi na kailangan pa ng Kanyang Salita tulad nang narinig natin ngayon. Sa payapa at dahan-dahang pagpapadama ni Jesus sa Kaharian ng Diyos, dito nakialam ang masamang espiritu at inunahan na Siyang ibunyag kung sino Siya. Hindi pa marahil handa ang mga tao sa ganitong pagbubunyag, pero nanghimasok nang wala sa lugar ang diyablo. Mga kapanalig, ito ang malimit na paraan ng diyablo sa ating buhay espiritwal. Sa oras na nakakatanggap tayo ng biyaya mula sa Panginoon, manunukso na rin sila sa mapanlinlang na paraan. Madalas nangyayari ito sa ating panalangin. Habang taimtim tayong nagdarasal, gagambalain tayo ng diyablo sa pamamagitan ng mga alalahanin, pagpaplano at iba pang saloobing pumapasok sa’ting puso’t isipan na umaagaw sa’ting atensyon sa Diyos. Pero sa halip na masiraan tayo ng loob, dalhin natin sa panalangin ang mga alalahaning ito, at hilinging ang Diyos na ang bahala sa mga bagay na di natin kayang harapin at malagpasan.