EBANGHELYO: MARCOS 3:13-19
Umakyat si Jesus sa burol at tinawag ang mga gusto niya. At lumapit sila sa kanya.Sa gayon niya hinirang ang Labindalawa (na tinawag din niyang Mga Apostol) upang makasama niya at maipadala sila para mangaral at magkaroon ng kapangyarihan upang palayasin ang mga demonyo. Kaya itinalaga niya ang Labindalawa at tinawag na Pedro si Simon, at Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan, at tinawag niya silang Boanerges, na ang ibig sabihi’y “Sina-Parang Kulog”, at saka si Andres, at si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo, si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya.
PAGNINILAY:
Narinig natin sa Ebanghelyo ang pagtawag ng Panginoon sa Labindalawang alagad. Sila’y mga taong hindi perfecto at may kanya-kanyang pag-uugali. At nagmumula sila sa iba’t ibang larangan ng mga gawain. Mangingisda ang magkapatid na sina Pedro at Andres, at magkapatid na sina Jaime at Juan; maniningil naman ng buwis si Mateo; si Simon na zealota naman, isang political activist; si Judas Iscariote na nagkanulo sa Panginoon, tinatayang isang banker o accountantsa kanilang kapanahunan; samantalang ang iba pang mga Apostoles na sina Judas Thaddaeus, Santiago, Philip, Bartolome at Tomas – walang nabanggit sa Bibliya kung ano ang kanilang propesyon. Mahalagang pagtuunan ng pansin ang pagtawag sa kanila ng Panginoon sa kabila ng kanilang propesyon, limitasyon at pagkakaiba-iba ng pag-uugali at pinapahalagahan. Bilang mga binyagang Kristiyano, hindi tayo nalalayo sa kanila. Tayo din nagmumula sa iba’t ibang estado ng buhay – mahirap man o mayaman, nakapag-aral o hindi, bata o matanda, makasalanan o banal – lahat tayo inaanyayahan ng Panginoong Jesus na sumunod sa Kanya, at maging Kanyang alagad sa malaki o maliit na paraan man. Ang araw-araw nating pagsisikap na mamuhay sa pag-ibig, mahalin ang kapwa gaya ng sarili, maging mapagpatawad sa mga taong nagkasala sa atin, at tumulong sa mga nangangailangan – ang ilan lamang sa mga konkretong halimbawa ng pagsunod natin sa kalooban ng Panginoon. Mga kapatid, hindi man tayo perfectosa mata ng tao, potential saintsnaman tayo sa mata ng Diyos. Hindi Siya nawawalan ng pag-asa na may kakayahan tayong magbago, kung gugustuhin natin at sa tulong na rin ng Banal na Espiritu. Bibiguin ba natin ang Diyos sa Kanyang malaking pagtitiwala sa atin?