Daughters of Saint Paul

ENERO 25, 2020 – SABADO SA IKALAWANG LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: MARCOS 16:15-18

Sinabi ni Jesus sa labing-isa: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at hindi sila maaano kung iinom man sila ng may lason.  Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon. 

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Ngayon ang Conversion of St. Paul o ang pagbabagong loob ni San Pablo ng Tarsus.  Ano ba ang ibig sabihin ng kapistahang ito? Bakit ipinadiriwang ang Conversion? Di ba sa mga piyesta ng simbahan kalimitan ay tungkol sa kanilang kamatayan? Bakit kakaiba yata ito?  Mga kapatid, dapat nating unawain na ang conversion o ang pagbabagong loob ni Pablo, unang una, ay hindi tungkol sa kung siya ay masama. Opo, hindi siya perpekto! Pero hindi siya super, dooper, mega, janeps over na masamang tao. Sa katunayan, isa siyang masigasig at mabuting Jewish Pharisee! He followed the rules by the book! Kung kayat ganoon na lamang siya kasigasig na tugisin at isumbong ang mga Kristiyano, dahil para sa kanya, hindi sila umaayon sa paniniwala ng isang mabuting hudyo! Iningatan niya ang ang kanyang kapwa hudyo, na hindi mahawa sa inaakalang kasinungalingang pinapaniwalaan ng mga kristiyano na si Jesus ay Diyos.  Nagbago ang lahat, noong nagkaroon siya ng tinatawag na Conversion, isang paanyaya mula sa Diyos. Sa salitang griyego, ang conversion ay metanoia–na ang ibig sabihin, “moving beyond the mind”. Nagkaroon siya ng bago at mas malawak na pananaw tungkol kay Jesus. Nagpakita si Jesus sa kanya. Namangha siya, dahil ang nasa isip niyang patay at hindi totoo, narito ngayon sa kanyang harapan at kinakausap siya. Sino ba ang makakagawa nito kundi ang Diyos lamang. Naramdaman at nahikayat si San Pablo na meron siyang dapat gawin–ito ay ang itama ang baluktot niyang paniniwala, at sa bandang huli, ipahayag na si Jesus, ang tunay na Diyos at Tagapagligtas. Sabi nga niya sa kanyang sulat sa mga taga Galacia “God was pleased to reveal his Son to me that I might proclaim him to the Gentiles!” (1:15-16).  

PANALANGIN:

Panginoon, tulad ni San Pablo kinakausap at nagpapakita ka rin sa amin sa pamamagitan ng mga bagay, tao, at pangyayari sa aming buhay. Sana tulad ni San Pablo magkaroon din kami ng conversion sa pamamagitan ng bukas na isip at puso upang aming ding lalong maipahayag ang iyong Mabuting Balita. Amen.  

Sa ngalan po ng Pauline Family, Happy Feast day of St. Paul!